1 Korinto Kabanata 13, 14, 15 at 16

KABANATA 13
KAHIT na magsalita pa ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, at walang pagsinta, ako ay nagiging gaya ng tumutunog na tanso, o isang tumataginting na pompiyang.
2 At kahit na may kaloob pa ako ng hula, at maunawaan ang lahat ng hiwaga, at ang buong kaalaman; at kahit  na mayroon pa ako ng buong pananampalataya, anupa’t napapalipat ko ang mga bundok, at walang pagsinta, ako ay walang-anuman.
3 At kahit na ipagkaloob ko pa ang lahat ng ari-arian ko upang pakainin ang mga dukha, at kahit na ibigay ko pa ang katawan ko upang sunugin, at walang pagsinta, ay wala itong anumang pakinabang sa akin.
4 Ang pagsinta ay mapagbata, at mabait; ang pagsinta ay hindi naiinggit; ang pagsinta ay hindi nagmamalaki sa kanyang sarili, hindi nagpapalalo.
5 Hindi umaasal nang masagwa sa kanyang sarili, hindi naghahanap ng sa kanyang sarili, hindi madaling maudyukan, hindi nag-iisip ng masama; 
6 Hindi nagagalak sa kawalang-katarungan, kundi nagagalak sa katotohanan;
7 Dinadala ang lahat ng bagay, pinananaligan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay.
8 Ang pagsinta ay hindi natatapos: ngunit kung mayroon mang mga hula, sila ay matatapos; kung mayroon mang mga wika, sila ay matitigil; kung mayroon mang kaalaman, ito ay maglalaho.
9 Pagkat nakakaalam tayo nang bahagya, at nanghuhula tayo nang bahagya.
10 Ngunit kapag dumating na ang sakdal, saka lilipas ang bahagya.
11 Noong isa pa akong bata, nagsalita akong gaya ng isang bata, nakaunawa akong gaya ng isang bata, nag-isip akong gaya ng isang bata: ngunit nang naganap ang pagkatao ko, ay inalis ko ang mga bagay na pambata. 
12 Pagkat ngayon ay tumitingin tayo sa isang salamin, nang malabo; ngunit pagkatapos ay mukha sa mukha: ngayon ay nakakaalam ako nang bahagya; ngunit pagkatapos ay makakaalam ako maging gaya rin naman ng pagkaalam sa akin.
13 At ngayon ay nananatili ang pananampalataya, ang pag-asa, ang pagsinta, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagsinta.


KABANATA 14
SUNDAN ang pagsinta, at magnasa ng mga espirituwal na kaloob, ngunit bagkus ay ang  makapanghula kayo.
2 Pagkat siya na nagsasalita sa isang di-nalalamang wika ay nagsasalita hindi sa mga tao, kundi sa Diyos: pagkat walang taong nakakaunawa sa kanya; subali’t sa espiritu ay nagsasalita siya ng mga hiwaga.
3 Ngunit siya na nanghuhula ay nagsasalita sa mga tao sa ikatitibay, at ikatatagubilin, at ikaaaliw.
4 Siya na nagsasalita sa isang di-nalalamang wika ay nagpapatibay sa kanyang sarili; ngunit siya na nanghuhula ay nagpapatibay sa simbahan.
5 Nais ko na kayong lahat ay nagsalita ng mga wika, ngunit bagkus ang  nanghula kayo: pagkat mas dakila siyang nanghuhula kaysa sa kanyang nagsasalita ng mga wika, maliban na bigyang-kahulugan niya, upang ang simbahan ay makatanggap ng ikatitibay. 
6 Ngayon, mga kapatid, kung dumating ako sa inyo na nagsasalita ng mga wika, ano bang pakikinabangin ninyo sa akin, malibang  magsalita ako sa inyo maging sa pamamagitan ng pagbubunyag, o sa pamamagitan ng kaalaman, o sa pamamagitan ng panghuhula, o sa pamamagitan ng turo?
7 At maging ang mga bagay na walang buhay na nagbibigay ng tunog, maging plawta o alpa, malibang magbigay sila ng pagkakaiba-iba sa mga tunog, paano ba malalaman kung ano ang tinutugtog sa plawta o sa alpa?
8 Pagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng isang di-tiyak na tunog, sino ang maghahanda ng kanyang sarili patungo sa labanan?
9 Kaya sa katulad na paraan kayo, malibang bigkasin ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paano bang malalaman ito kung ano ang sinasalita? pagkat magsasalita kayo sa hangin.
10 Maaari ito, na may napakaraming uri ng tinig sa sanlibutan, at wala sa kanila ang walang katuturan.
11 Kung gayon kung hindi ko nalalaman ang kahulugan ng tinig, ako ay magiging isang barbaro sa kanya na nagsasalita, at siya na nagsasalita ay magiging isang barbaro sa akin.
12 Maging gayon din kayo, yamang  masisigasig kayo sa mga espirituwal na kaloob, ay hanapin ninyo na gumaling kayo sa ikatitibay ng simbahan.
13 Kaya nga hayaan siya na nagsasalita sa isang di-nalalamang wika na manalangin nang  makapagbigay-kahulugan siya.
14 Pagkat kung nananalangin ako sa isang di-nalalamang wika, ang espiritu ko ay nananalangin, ngunit ang pagkaunawa ko ay di-mabunga.
15 Ano nga ba ito? mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin ako sa pagkaunawa rin naman: aawit ako sa espiritu, at aawit ako sa pagkaunawa rin naman.
16 Sa ibang paraan kapag magpapala ka sa espiritu, paano ba siya na sumasakop sa silid ng mga di nag-aral ay magsabi ng Amen sa pagbibigay mo ng pasalamat, na nakikitang hindi niya nauunawaan ang sinasabi mo?
17 Pagkat ikaw sa katotohanan ay nagbibigay ng pasalamat nang mabuti, ngunit hindi napapatibay ang iba.
18 Pinapasalamatan ko ang aking Diyos, na nagsasalita ako sa mga wika nang higit sa inyong lahat:
19 Gayunman sa simbahan ay magsasalita ako bagkus ng limang salita sa pagkaunawa ko, upang sa pamamagitan ng tinig ko ay makapagturo din naman ako sa mga iba, kaysa sa sampung libong salita sa isang di-nalalamang wika.
20 Mga kapatid, huwag maging mga bata sa pagkaunawa: subali’t sa malisya ay maging mga bata kayo, ngunit sa pagkaunawa ay maging mga ganap na tao.
21 Sa batas ay nasusulat ito, Sa pamamagitan ng mga tao ng ibang mga wika at ibang mga labi ay magsasalita ako sa bayang ito; at gayunman sa lahat ng iyon ay hindi nila ako papakinggan, sabi ng Panginoon.
22 Kaya nga ang mga wika ay bilang isang tanda, hindi sa kanilang nananalig, kundi sa kanilang hindi nananalig: ngunit ang panghuhula ay naglilingkod hindi patungkol sa kanilang hindi nananalig, kundi patungkol sa kanilang nananalig.
23 Kung ang buong simbahan kung gayon ay magkasama-sama patungo sa iisang dako, at ang lahat ay magsalita sa mga wika, at may pumasok na mga di-nag-aral, o mga di-nananalig, hindi ba nila sasasabihing  mga ulol kayo?
24 Ngunit kung ang lahat ay nanghuhula, at may pumasok na isang hindi nananalig, o isang di-nag-aral, mapapaniwala siya ng lahat, mahuhukuman siya ng lahat:
25 At sa gayon ay malalantad ang mga lihim ng puso niya; at sa gayon sa pagpapatirapa sa mukha niya ay sasambahin niya ang Diyos, at iuulat na ang Diyos ay nasa inyo sa isang katotohanan.
26 Paano nga ba, mga kapatid? kapag  nagkakasama-sama kayo, ang bawa’t isa sa inyo ay may isang salmo, may isang turo, may isang wika, may isang pagbubunyag, may isang pagbibigay-kahulugan. Hayaang magawa ang lahat ng bagay sa ikatitibay.
27 Kung magsalita ang sinumang tao sa isang di-nalalamang wika, hayaang ito ay sa pamamagitan ng dalawa, o sa pinakamarami ay sa pamamagitan ng tatlo, at iyon ay sunud-sunod; at hayaang ang isa ay magbigay-kahulugan.
28 Ngunit kung walang tagapagbigay-kahulugan, ay hayaan siyang manahimik sa simbahan; at hayaan siyang magsalita sa kanyang sarili, at sa Diyos.
29 Hayaang ang mga propeta ay magsalita ang dalawa o tatlo, at hayaang ang iba ay humukom.
30 Kung nabunyag ang anumang bagay sa ibang nakaupo sa tabi, hayaang ang una ay pumayapa.
31 Pagkat makakapanghula kayong lahat nang isa isa, nang matuto ang lahat, at maaliw ang lahat.
32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay napapailalim sa mga propeta.
33 Pagkat ang Diyos ay hindi ang maygawa ng kalituhan, kundi ng kapayapaan, gaya ng nasa lahat ng simbahan ng mga banal.
34 Hayaang manahimik ang mga babae ninyo sa mga simbahan: pagkat hindi ito ipinahihintulot sa kanila na magsalita; kundi sila ay inuutusang suma-ilalim sa pagtalima, gaya rin naman ng sinasabi ng batas.
35 At kung ibig nilang matuto ng anumang bagay, ay hayaan silang magtanong sa mga bana nila sa tahanan: pagkat isang kahihiyan ito patungkol sa mga babae na magsalita sa simbahan.
36 Ano ba? lumabas ba ang salita ng Diyos buhat sa inyo? o sa inyo lamang ba ito dumating?
37 Kung iniisip ninumang tao ang kanyang sarili na isang propeta, o espirituwal, ay hayaan niyang kilalanin na ang mga bagay na isinusulat ko sa inyo ay ang mga kautusan ng Panginoon.
38 Ngunit kung mangmang ang sinumang tao, ay hayaan siyang magpakamangmang.
39 Kaya nga, mga kapatid, mithiin na makapanghula, at huwag ipagbawal na magsalita ng mga wika.
40 Hayaang ang lahat ng bagay ay gawin nang nararapat at nasa kaayusan.

 
KABANATA 15
BUKOD dito, mga kapatid, isinasaysay ko sa inyo ang mabuting-balita na ipinangaral ko sa inyo, na inyo rin namang tinanggap, at kung saan ay nakatayo kayo;
2 Na sa pamamagitan nito kayo rin naman ay ligtas, kung ingatan ninyo sa alaala ang ipinangaral ko sa inyo, malibang nanalig kayo nang walang-kabuluhan.
3 Pagkat ibinigay ko sa inyo una sa lahat ang tinanggap ko rin naman, kung paanong si Kristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan;
4 At inilibing siya, at nabuhay siyang muli sa ikatlong araw ayon sa mga kasulatan:
5 At nakita siya nina Sefas, saka ng labindalawa:
6 Pagkatapos niyon, ay nakita siya ng higit sa limang daang mga kapatid na minsan; na ang mas maraming bahagi sa kanila ay natitira hanggang sa kasalukuyan, ngunit ang ilan ay natutulog na.
7 Pagkatapos niyon, ay nakita siya ni Jakobo; saka ng lahat ng apostol.
8 At pinakahuli sa lahat ay nakita ko rin naman siya, gaya ng isang ipinanganak sa di kapanahunan.
9 Pagkat ako ang pinakamababa sa mga apostol, na hindi marapat na tawaging isang apostol, dahil inusig ko ang simbahan ng Diyos.
10 Ngunit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ako ay kung ano nga ako: at ang biyaya niya na ipinagkaloob sa akin ay hindi walang-kabuluhan; ngunit nagpagal ako nang mas masagana kaysa sa kanilang lahat: gayunman ay hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na kasama ko.
11 Kung gayon maging ako o sila man, ay gayon kami nangangaral, at gayon kayo nanalig.
12 Ngayon kung ipinangaral si Kristo na nabuhay siya mula sa mga patay, paano bang sinasabi ng ilan sa gitna ninyo na walang pagkabuhay na muli ng mga patay?
13 Ngunit kung walang pagkabuhay na muli ng mga patay, si Kristo nga ay hindi binuhay:
14 At kung si Kristo ay hindi binuhay, ang pangangaral nga namin ay walang-kabuluhan, at ang pananampalataya rin naman ninyo ay walang-kabuluhan.
15 Oo, at kami ay matatagpuang mga huwad na saksi ng Diyos; dahil pinatototohanan namin tungkol sa Diyos na ibinangon  niya si Kristo: na hindi niya ibinangon, kung sa gayon na ang mga patay ay hindi mabubuhay.
16 Pagkat kung hindi mabubuhay ang mga patay, si Kristo nga ay hindi binuhay:
17 At kung si Kristo ay hindi binuhay, ang pananampalataya ninyo ay walang-kabuluhan; kayo ay nasa mga kasalanan pa ninyo.
18 Saka sila rin na mga natutulog kay Kristo ay mawawasak.
19 Kung sa buhay na ito lamang tayo may pag-asa kay Kristo, tayo sa lahat ng tao ang pinaka-kawawa.
20 Ngunit ngayon si Kristo ay binuhay mula sa mga patay, at naging mga unang-bunga nilang natulog.
21 Pagkat yamang sa pamamagitan ng tao ay dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao ay dumating ang pagkabuhay na muli ng mga patay.
22 Pagkat kung paanong kay Adam ang lahat ay namamatay, maging gayon din kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.
23 Ngunit ang bawa’t tao sa sarili niyang pagkakasunud-sunod: si Kristo ang mga unang-bunga; pagkatapos ay silang kay Kristo sa pagdating niya.
24 Saka darating ang katapusan, kapag naiabot na niya ang kaharian sa Diyos, samakatuwid ay ang Ama; kapag naibaba na niya ang buong pamunuan at buong kapamahalaan at kapangyarihan. 
25 Pagkat dapat siyang maghari, hanggang mailagay niya ang lahat ng kaaway sa ilalim ng mga paa niya.
26 Ang huling kaaway na pupuksain ay ang kamatayan.
27 Pagkat inilagay na niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya. Ngunit kapag sinasabi niya, na ang lahat ng bagay ay inilalagay sa ilalim niya, maliwanag ito na siya ay di-kasama, siya na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim niya.
28 At kapag ang lahat ng bagay ay napasuko na sa kanya, saka ang Anak din naman mismo ay magpapailalim sa kanyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim niya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.
29 Sa ibang paraan ay ano ba ang gagawin nilang bininyagan dahil sa mga patay, kung ang mga patay ay hindi na nga mabubuhay pa? bakit pa nga ba bininyagan pa sila dahil sa mga patay?
30 At bakit ba kami tumatayo sa panganganib sa bawa’t oras?
31 Nagpapahayag ako sa pamamagitan ng pagkagalak ninyo na taglay ko kay Kristo Jesus na Panginoon natin, namamatay ako araw-araw.
32 Kung alinsunod sa pamamaraan ng mga tao ay nakipaglaban ako sa mga hayop sa Efesus, ano bang kalamangan ko dito, kung ang mga patay ay hindi mabubuhay? kumain tayo at uminom; pagkat bukas ay mamamatay tayo.
33 Huwag palinlang: ang masasamang pakikipagtalastasan ay sumisira ng magagandang pag-uugali.
34 Gumising sa katuwiran, at huwag magkasala; pagkat ang ilan ay walang kaalaman ng Diyos: nagsasalita ako nito sa ikahihiya ninyo.
35 Ngunit magsasabi ang ilang tao, Paano bang ibinabangon ang mga patay? at sa anong katawan ba sila dumarating?
36 Ikaw na hangal, ang inihahasik mo ay hindi nabubuhay, malibang mamatay ito:
37 At ang inihahasik mo, ay inihahasik mo hindi ang katawang lilitaw, kundi ang butil lamang, ito marahil ay sa trigo, o sa ilang ibang butil:
38 Ngunit binibigyan ito ng Diyos ng isang katawan gaya ng nakalugod sa kanya, at sa bawa’t binhi ay ang sarili nitong katawan.
39 Ang lahat ng laman ay hindi magkakatulad na laman: kundi may isang uri ng laman ng mga tao, ang iba’y ng laman ng mga hayop, ang iba’y ng mga isda, at ang iba’y ng mga ibon.
40 May mga katawang panlangit din naman, at mga katawang panlupa: ngunit ang kaluwalhatian ng panlangit ay isa, at ang kaluwalhatian ng panlupa ay iba.
41 May isang kaluwalhatian ng araw, at ibang kaluwalhatian ng buwan, at ibang kaluwalhatian ng mga bituin: pagkat ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.
42 Gayon din naman ang pagkabuhay na muli ng mga patay. Inihahasik ito sa pagkasira; binubuhay ito sa di-pagkasira:
43 Inihahasik ito sa kawalang-karangalan; binubuhay ito sa kaluwalhatian: inihahasik ito sa kahinaan; binubuhay ito sa kapangyarihan:
44 Inihahasik ito na isang likas na katawan; binubuhay ito na isang espirituwal na katawan. May isang likas na katawan, at may isang espirituwal na katawan.
45 At sa gayon ay nasusulat ito, Ang unang taong si Adam ay ginawang isang buhay na kaluluwa; ang huling Adam ay ginawang isang bumubuhay na espiritu.
46 Subali’t hindi nauna ang espirituwal, kundi ang likas; at pagkatapos ay ang espirituwal.
47 Ang unang tao ay mula sa lupa, makalupa: ang ikalawang tao ay ang Panginoong nagmula sa langit.
48 Gaya ng makalupa, ay gayon din silang makalupa: at gaya ng makalangit, ay gayon din naman silang makalangit.
49 At kung paanong dinadala natin ang larawan ng makalupa, ay dadalhin din naman natin ang larawan ng makalangit.
50 Ngayon ay sinasabi ko ito, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi maaaring magmana ng kaharian ng Diyos; ni ang pagkasira ay nagmamana ng di-pagkasira.
51 Masdan, ipinapakita ko sa inyo ang isang hiwaga; Hindi tayong lahat ay matutulog, ngunit tayong lahat ay babaguhin,
52 Sa isang sandali, sa pagkurap ng isang mata, sa huling tambuli: pagkat tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay bubuhaying di-nasisira, at tayo ay babaguhin.
53 Pagkat ang nasisirang ito ay dapat magsuot ng di-pagkasira, at ang may-kamatayan na ito ay dapat magsuot ng kawalang-kamatayan.
54 Kaya kapag makapagsuot ang nasisirang ito ng di-pagkasira, at makapagsuot ang may-kamatayan na ito ng kawalang-kamatayan, sa gayon ay mangyayari ang kasabihang nasusulat, Ang kamatayan ay nilulunok sa tagumpay.
55 O kamatayan, nasaan ba ang kagat mo? O libingan, nasaan ba ang tagumpay mo?
56 Ang kagat ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang lakas ng kasalanan ay ang batas.
57 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesus Kristo.
58 Kung gayon, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo, na di-nakikilos, na palaging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyong ang pagpapagal ninyo ay hindi walang-kabuluhan sa Panginoon.

 
KABANATA 16
NGAYON tungkol sa paglilikom dahil sa mga banal, gaya ng pagbibigay ko ng utos sa mga simbahan ng Galatia, ay maging gayon ang gawin ninyo.
2 Sa unang araw ng linggo hayaang ang bawa’t isa sa inyo ay magbukod sa kanya sa imbakan, gaya ng pagpapaunlad ng Diyos sa kanya, nang wala nang titipunin pa kapag pumariyan ako.
3 At kapag pumariyan ako, sinuman ang susubukin ninyo sa pamamagitan ng mga sulat ninyo, ay sila ang isusugo ko upang magdala ng kabutihang-loob ninyo sa Jerusalem.
4 At kung marapat ito na pumaroon din naman ako, ay paparoon silang kasama ko.
5 Ngayon ay papariyan ako sa inyo, kapag nakadaan na ako sa Masedonya: pagkat magdaraan ako sa Masedonya.
6 At maaari ito na manatili ako, oo, at magtaglamig na kasama ninyo, nang madala ninyo ako sa paglalakbay ko saan man ako pumaroon.
7 Pagkat hindi ako makikipagkita sa inyo ngayon sa daan; ngunit nagtitiwala ako na matagalan nang kaunting panahong kasama ninyo, kung ipahintulot ng Panginoon.
8 Ngunit matatagalan ako sa Efesus hanggang sa Pentekostes.
9 Pagkat isang malaking pintuan at mabisa ang binubuksan ukol sa akin, at may maraming katunggali.
10 Ngayon kung pumariyan si Timoteus, tiyaking makakasama ninyo siya nang walang pagkatakot: pagkat isinasagawa niya ang gawa ng Panginoon, gaya ng ginagawa ko rin naman.
11 Huwag hayaan kung gayon na may taong humamak sa kanya: kundi ihatid siya sa kapayapaan, upang makarating siya sa akin: pagkat umaasam ako sa kanya kasama ng mga kapatid.
12 Patungkol sa kapatid nating si Apolos, ay lubha kong hinangad na pumariyan siya sa inyo kasama ng mga kapatid: ngunit ang kalooban niya ay ang hindi dumating sa anumang paraan sa panahong ito; ngunit darating siya kapag nagkaroon na siya ng naaangkop na panahon. 
13 Magbantay kayo, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpalakas.
14 Hayaang ang lahat ng bagay ninyo ay gawin nang may pagsinta.
15 Namamanhik ako sa inyo, mga kapatid, (nalalaman ninyo ang bahay ni Estefanas, na ito ang mga unang-bunga ng Akaya, at ginumon nila ang kanilang sarili sa ministeryo ng mga banal,)
16 Na ipasakop ninyo ang inyong sarili sa mga ganoon, at sa bawa’t isang tumutulong na kasama namin, at nagpapagal.
17 Natutuwa ako sa pagdating ni Estefanas at Fortunatus at Akaykus: pagkat kung alin ang nagkukulang sa bahagi ninyo ay tinustusan nila.
18 Pagkat pinaginhawa nila ang espiritu ko at ang sa inyo: kung gayon ay kilalanin ninyo sila na mga ganoon.
19 Ang mga simbahan ng Asya ay nagpupugay sa inyo. Si Akila at si Prisila ay labis na nagpupugay sa inyo sa Panginoon, kasama ng simbahang nasa bahay nila.
20 Ang lahat ng kapatid ay bumabati sa inyo. Magbatian kayo sa isa’t isa nang may isang banal na halik.
21 Ang pagpupugay kong si Paulo sa sarili kong kamay.
22 Kung hindi nagmamahal sa Panginoong Jesus Kristo ang sinumang tao, ay hayaan siyang maging Anathema Maranatha.
23 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesus Kristo nawa ay makasama ninyo.
24 Ang pagmamahal ko nawa ay makasama ninyong lahat kay Kristo Jesus. Amen.

Ang unang sulat sa mga taga-Korinto ay isinulat ni Paulo mula sa Efesus noong A.D. 57

No comments:

Post a Comment