ALAMIN mo rin ito, na sa mga huling araw ay darating
ang mga panahong mapanganib.
2 Pagkat ang mga tao ay magiging mga
mapagmahal sa sarili nila, mga sakim, mayayabang, mga mapagmalaki, mga
lapastangan, mga di-matalimahin sa mga magulang, mga di-mapagpasalamat, mga
di-banal,
3 Walang likas na pag-ibig, mga di-mapayapa,
mga palabintangin ng mali, mga di-mapagpigil, mababangis, mga mapanghamak sa
kanila na mabubuti,
4 Mga taksil, mapupusok, mga mapagmataas sa
pag-iisip, mga mapagmahal sa mga kalayawan kaysa mga mapagmahal sa Diyos;
5 Na nagtataglay ng isang anyo ng pagkamakadiyos, ngunit tinatanggihan ang
kapangyarihan nito: mula sa mga ito ay tumalikod.
6 Pagkat sa ganitong uri ay sila na mga
nanggagapang sa mga bahay, at binibihag ang mga babaeng haling na tigib ng mga
kasalanan, na tinangay ng iba’t ibang pita,
7 Na kailanman ay nag-aaral, at hindi
makayanang makarating sa kaalaman ng katotohanan.
8 Ngayon gaya nina Janes at Jambres na
sumasalangsang kay Moses, ay gayon din ang mga ito na lumalaban sa katotohanan:
mga taong may mga bulok na pag-iisip, na itinakuwil tungkol sa pananampalataya.
9 Ngunit hindi sila makakapagpatuloy nang
malayo: pagkat ang pagkahangal nila ay malalantad sa lahat ng tao, gaya rin
naman ng sa kanila noon.
10 Ngunit lubos mo nang nalalaman ang aking turo,
pamamaraan ng pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagbabata, pagsinta,
pagtitiyaga,
11 Mga pag-uusig, mga paghihirap, na dumating
sa akin sa Antiyokya, sa Ikonyum, sa Listra; kung anong mga pag-uusig ang
tiniis ko: ngunit buhat sa lahat ng iyon ay sinagip ako ng Panginoon.
12 Oo, at ang lahat ng may-ibig mabuhay na
makadiyos kay Kristo Jesus ay magtitiis ng pag-uusig.
13 Ngunit ang masasamang tao at ang mga
mapang-akit ay magiging mas masama at mas masama pa, na nanlilinlang, at nililinlang.
14 Ngunit magpatuloy ka sa mga bagay na
natutuhan mo na at natiyak na, na nalalaman kung kanino mo sila natutuhan;
15 At mula nang isang bata ka pa ay nalaman mo
na ang mga banal na kasulatan, na kaya kang padunungin sa ikaliligtas sa
pamamagitan ng pananampalataya na nakay Kristo Jesus.
16 Ang buong kasulatan ay ibinibigay sa
pamamagitan ng pagkasi ng Diyos, at ito ay kapaki-pakinabang patungkol sa turo,
patungkol sa pagsawata, patungkol sa pagtutuwid, patungkol sa aral sa
katuwiran:
17 Upang ang tao ng Diyos ay mapasakdal, na lubusang
sinangkapan patungo sa lahat ng mabubuting gawa.
INAATASAN kita kung gayon sa harapan ng Diyos,
at ng Panginoong Jesus Kristo, na siyang huhukom sa mga buhay at mga patay sa
pagpapakita niya at kaharian niya;
2 Ipangaral ang salita; maging handa sa
kapanahunan, sa di-kapanahunan; sumawata, sumaway, magtagubilin na may buong
pagtitiyaga at turo.
3 Pagkat darating ang panahon kung kailan ay
hindi na nila titiisin ang wastong turo; kundi alinsunod sa mga sarili nilang pita
ay magbubunton sa kanilang sarili ng mga guro, na nagtataglay ng makakating
tainga;
4 At itatalikod nila ang mga tainga nila mula
sa katotohanan, at ibabaling sa mga katha.
5 Ngunit magbantay ka sa lahat ng bagay,
magtiis ng mga paghihirap, gawin ang gawa ng isang ebanghelista, patunayang
lubos ang ministeryo mo.
6 Pagkat ako ngayon ay handa nang ihandog, at
ang panahon ng pag-alis ko ay malapit na.
7 Nakipaglaban na ako ng isang mabuting
pakikipaglaban, natapos ko na ang takbuhin ko, naingatan ko na ang
pananampalataya:
8 Mula ngayon ay may nakaimpok na ukol sa akin na isang putong ng katuwiran, na ang Panginoon,
ang matuwid na hukom, ang magbibigay sa akin sa araw na iyon: at hindi lamang sa
akin, kundi sa kanilang lahat din naman na nagmamahal sa pagpapakita niya.
9 Sikapin mong makarating sa akin sa madaling
panahon:
10 Pagkat pinabayaan na ako ni Demas, na nagmamahal
sa kasalukuyang sanlibutang ito, at umalis patungong Tesalonika; si Kreskes ay
sa Galatia, si Titus ay sa Dalmatia.
11 Si Luka lamang ang
kasama ko. Kaunin mo si Marko, at isama mo siya: pagkat kapaki-pakinabang siya
sa akin ukol sa ministeryo.
12 At si Tikikus ay
isinugo ko sa Efesus.
13 Ang balabal na iniwan
ko sa Troas kay Karpus, kapag dumating ka na, ay dalhin mo, at ang mga aklat, ngunit
lalo na ang mga pergamino.
14 Si Alexander na
panday-tanso ay gumawa sa akin ng maraming kasamaan: gantimpalaan nawa siya ng
Panginoon ayon sa mga gawa niya:
15 Na sa kanya ay
mag-ingat ka rin naman; pagkat lubha niyang sinalansang ang mga salita namin.
16 Sa unang pagsagot ko ay
walang taong kumampi sa akin, kundi pinabayaan ako ng lahat ng tao: dalangin ko
sa Diyos na hindi ito mailagay sa pananagutan nila.
17 Sa kabila nito ang
Panginoon ay kumampi sa akin, at pinalakas ako; upang sa pamamagitan ko ang
pangangaral ay malaman nang lubos, at nang ang lahat ng Hentil ay makarinig: at
sinagip ako buhat sa bibig ng leon.
18 At sasagipin ako ng
Panginoon mula sa bawa’t masamang gawa, at papanatilihin ako hanggang sa
makalangit niyang kaharian: na sa kanya ang kaluwalhatian magpakailan at kailan
man. Amen.
19 Pugayan sina Priska at
Akila, at ang sambahayan ni Onesiforus.
20 Si Erastus ay nanatili
sa Korinto: ngunit si Trofimus ay iniwan ko sa Miletum na maysakit.
21 Sikapin mong makarating bago ang taglamig.
Binabati ka ni Eubulus, at ni Pudens, at ni Linus, at ni Klaudia, at ng lahat
ng kapatid.
22 Ang Panginoong Jesus Kristo nawa ay makasama
ng espiritu mo. Ang biyaya nawa ay makasama
mo. Amen.
No comments:
Post a Comment