Titus Kabanata 1, 2 at 3

ANG SULAT NI PAULONG APOSTOL KAY
TITUS


KABANATA 1
SI PAULO, na isang lingkod ng Diyos, at isang apostol ni Jesus Kristo, ayon sa pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at sa pagkakilala ng katotohanan na alinsunod sa pagkamakadiyos;
2 Sa pag-asa ng buhay na walang-hanggan, na ang Diyos, na hindi makakapagsinungaling, ang nangako, bago pa nagsimula ang sanlibutan;
3 Ngunit sa mga takdang panahon ay inilantad ang salita niya sa pamamagitan ng pangangaral, na ito ay ipinagkakatiwala sa akin ayon sa kautusan ng Diyos na Tagapagligtas natin;
4 Kay Titus, na sarili kong anak alinsunod sa pananampalatayang panlahat: Biyaya, awa, at kapayapaan, mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesus Kristo na Tagapagligtas natin.
5 Sa dahilang ito ay iniwan kita sa Kreta, upang isaayos mo ang mga bagay na kinukulang, at magtalaga ng matatanda sa bawa’t lunsod, gaya ng itinakda ko sa iyo:
6 Kung ang sinuman ay walang-kapintasan, ang bana ng iisang asawa, na may mga anak na matatapat na hindi napaparatangan ng panggugulo o di-pagpapasakop.
7 Pagkat ang isang obispo ay dapat na walang-kapintasan, gaya ng katiwala ng Diyos; hindi mapagsariling-kalooban, hindi madaling magalit, hindi mahilig sa alak, hindi mapanakit, hindi mahilig sa maruming kapakinabangan;
8 Kundi isang mapagmahal sa pagtanggap sa mga panauhin, isang mapagmahal sa mabubuting tao, mahinahon, makatarungan, banal, mapagtimpi;
9 Na pinanghahawakang mabuti ang salitang matapat gaya ng itinuro sa kanya, upang makaya niya sa pamamagitan ng wastong turo na kapuwa tagubilinan at papaniwalain ang mga tumututol.
10 Pagkat maraming mga di-nagpapasakop at mga mapangusap nang walang-kabuluhan at mga manlilinlang, lalo na silang mula sa pagtutuli:
11 Na ang mga bibig nila ay dapat matigil, na nagpapahamak ng mga buong bahay, na nagtuturo ng mga bagay na hindi nila nararapat ituro, alang-alang sa maruming kapakinabangan.
12 Isa sa kanila, samakatuwid ay isang propetang sarili nila, ay nagsabing, Ang mga taga-Kreta ay tuluy-tuloy na mga sinungaling, masasamang hayop, mababagal na tiyan.
13 Tunay ang pagsaksing ito. Kaya nga sawayin sila nang matindi, nang maiwasto sila sa pananampalataya;
14 Na hindi nagbibigay ng pakinig sa mga kathang maka-Judeo, at mga kautusan ng mga tao, na tumatalikod mula sa katotohanan.
15 Sa dalisay ang lahat ng bagay ay dalisay: ngunit sa kanilang mga nadungisan at di-nananalig ay walang dalisay; kundi maging ang kanilang pag-iisip at budhi ay nadungisan.
16 Nagpapahayag sila na kilala nila ang Diyos; ngunit sa mga gawa ay itinatanggi naman nila siya, na mga karumal-dumal, at di-matalimahin, at sa bawa’t mabuting gawa ay mga itinakuwil.

KABANATA 2
NGUNIT magsalita ka ng mga bagay na nababagay sa wastong turo:
2 Na ang mga may-gulang na lalaki ay maging mahinahon, kagalang-galang, mapagtimpi, wasto sa pananampalataya, sa pagsinta, sa pagtitiyaga.
3 Ang mga may-gulang na babae sa katulad na paraan, ay magkaroon sila ng asal na gaya ng nababagay sa kabanalan, hindi mga palabintangin ng mali, hindi mahilig sa maraming alak, mga guro ng mabubuting bagay;
4 Na maturuan nila ang mga kabataang babae na maging mahinahon, na mahalin ang mga bana nila, na mahalin ang mga anak nila,
5 Na maging maingat, malinis, mga tapapag-ingat sa tahanan, mabubuti, matalimahin sa mga sarili nilang bana, upang ang salita ng Diyos ay hindi malapastangan.
6 Ang mga kabataang lalaki sa katulad na paraan ay tagubilinang maging mahinahon sa pag-iisip.
7 Sa lahat ng bagay ay ipinapakita ang sarili mo na isang huwaran ng mabubuting gawa: sa turo ay ipinapakita ang walang-kabulukan, paggalang, katapatan,
8 Wastong pananalita, na hindi maaaring hatulan; upang siyang nasa kabilang panig ay mapahiya, na walang masamang bagay na masabi tungkol sa iyo.
9 Tagubilinan ang mga lingkod na maging matalimahin sa mga sarili nilang amo, at bigyang-kaluguran sila nang mabuti sa lahat ng bagay; na hindi sila sumasagot nang pabalik;
10 Na hindi nang-uumit, kundi nagpapakita ng buong mabuting pagkamatapat; upang magayakan nila ang turo ng Diyos na Tagapagligtas natin sa lahat ng bagay.
11 Pagkat ang biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan ay nagpakita sa lahat ng tao,
12 Na nagtuturo sa atin upang, sa pagtanggi natin sa di-pagkamakadiyos at mga makasanlibutang pita, ay mabuhay tayo nang mahinahon, nang matuwid, at nang makadiyos, sa kasalukuyang sanlibutang ito;
13 Na umaasam sa mapalad na pag-asang iyon, at maluwalhating pagpapakita ng dakilang Diyos at Tagapagligtas nating si Jesus Kristo;
14 Na nagbigay ng kanyang sarili dahil sa atin, upang matubos niya tayo mula sa buong kawalang-katarungan, at dalisaying ukol sa kanyang sarili ang isang kakaibang bayan, na masigasig sa mabubuting gawa.
15 Ang mga bagay na ito ay salitain, itagubilin, at isaway na may buong kapamahalaan. Huwag hayaang hamakin ka ng sinumang tao.

KABANATA 3

IPAALALA sa kanila na magpasakop sa mga pamunuan at mga kapangyarihan, na tumalima sa mga mahistrado, na maging handa sa bawa’t mabuting gawa,
2 Na huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninumang tao, na huwag maging mga palaaway, kundi malumanay, na nagpapakita ng buong kaamuan sa lahat ng tao.
3 Pagkat tayo rin naman ay minsang naging hangal, di-matalimahin, nalinlang, naglilingkod sa iba’t ibang mga pita at mga kalayawan, namumuhay sa malisya at inggit, nakamumuhi, at namumuhi sa isa’t isa.
4 Ngunit pagkatapos niyon ang kabaitan at pagmamahal ng Diyos na Tagapagligtas natin  tungo sa tao ay nagpakita,
5 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng katuwiran na ginawa na natin, kundi ayon sa awa niya ay iniligtas niya tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas ng pagbabagong-lahi, at pagpapanibago ng Banal na Diwa; 
6 Na ibinuhos na niya sa atin nang masagana sa pamamagitan ni Jesus Kristo na Tagapagligtas natin;
7 Upang sa pagkaaring-ganap ng kanyang biyaya, ay maging mga tagapagmana tayo ayon sa pag-asa ng buhay na walang-hanggan.
8 Ito ay isang matapat na kasabihan, at ang mga bagay na ito ay ibig kong panindigan mo nang matibay, upang silang nanalig na sa Diyos ay magmalasakit na panatilihin ang mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay mabuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.
9 Ngunit iwasan ang mga hangal na katanungan, at mga talaan-ng-lahi, at mga pagtatalo, at mga pag-aalitan tungkol sa batas; Pagkat sila ay di-kapaki-pakinabang at walang-kabuluhan.
10 Ang isang taong may hidwang-paniniwala pagkatapos ng una at ikalawang pagpapaalala ay itakuwil mo;
11 Na nalalamang ang ganoon ay napapahamak, at nagkakasala, na hinahatulan ng kanyang sarili.
12 Kapag isusugo ko na sa iyo si Artemas, o si Tikikus, magsikap kang pumaroon sa akin sa Nikopolis: pagkat pinagpasyahan kong doon magtaglamig.
13 Isama si Zenas na tagapagtanggol ng batas at si Apolos sa paglalakbay nila nang masikap, nang walang kapusin sa kanila.
14 At ang mga sa atin din naman ay matutong magpanatili ng mabubuting gawa ukol sa mga kagamitang kailangan, nang hindi sila maging walang-bunga.
15 Nagpupugay sa iyo ang lahat ng kasama ko. Batiin silang nagmamahal sa atin sa pananampalataya. Ang biyaya nawa ay makasama ninyong lahat. Amen.

Ito ay isinulat ni Paulo kay Titus, itinalaga bilang unang obispo ng simbahan ng mga taga-Kreta,  
mula sa Masedonya noong A.D. 65

No comments:

Post a Comment