SI PAULO, na
isang apostol, (hindi ng mga tao, ni sa pamamagitan ng tao, kundi sa
pamamagitan ni Jesus Kristo, at Diyos Ama, na siyang bumuhay sa kanya mula sa
mga patay;)
2 At ang lahat ng kapatid na kasama
ko, sa mga simbahan ng Galatia:
3 Ang biyaya nawa ay sumainyo at ang
kapayapaan mula sa Diyos Ama, at mula sa ating Panginoong Jesus Kristo,
4 Na nagbigay ng kanyang sarili dahil
sa mga kasalanan natin, upang masagip niya tayo mula sa kasalukuyang masamang sanlibutang
ito, ayon sa kalooban ng Diyos at Ama natin:
5 Na sa kanya ang kaluwalhatian
magpakailan at kailan man. Amen.
6 Nagtataka ako na gayon kayo kadaling
naalis mula sa kanya na tumawag sa inyo sa biyaya ni Kristo patungo sa ibang
mabuting-balita:
7 Na hindi iba; kundi may ilang
nanliligalig sa inyo, at nais na pilipitin ang mabuting-balita ni Kristo.
8 Ngunit kahit kami, o isang anghel na
mula sa langit, ay mangaral ng anumang ibang mabuting-balita sa inyo kaysa doon
sa ipinangaral na namin sa inyo, ay hayaan siyang masumpa.
9 Gaya ng sinabi namin noong una, sa
gayon ay sinasabi kong muli, Kung mangaral ang sinumang tao ng anumang ibang
mabuting-balita sa inyo kaysa sa tinanggap na ninyo, ay hayaan siyang masumpa.
10 Pagkat ang hinihikayat ko ba ay
ang mga tao, o ang Diyos? o hinahanap ko bang makalugod sa mga tao? pagkat kung
nakalugod pa ako sa mga tao, ay hindi ako magiging lingkod ni Kristo.
11 Ngunit pinagtitibay ko sa inyo,
mga kapatid, na ang mabuting-balitang ipinangaral ko ay hindi alinsunod sa tao.
12 Pagkat hindi ko ito tinanggap
mula sa tao, ni itinuro ito sa akin, kundi sa pamamagitan ng pagbubunyag ni Jesus
Kristo.
13 Pagkat narinig na ninyo ang
tungkol sa pamumuhay ko sa panahong nakalipas sa relihiyon ng mga Judeo, kung
paanong lampas sa sukat ay inusig ko ang simbahan ng Diyos, at pininsala ito:
14 At nakinabang sa relihiyon ng mga
Judeo nang higit sa maraming mga kasing-gulang ko sa sarili kong bansa, samantalang
mas lumalabis na masigasig sa mga kinaugalian ng mga ama ko.
15 Ngunit nang ikinalugod ito ng
Diyos, na naghiwalay sa akin mula pa sa sinapupunan ng aking ina, at tumawag sa
akin sa pamamagitan ng biyaya niya,
16 Na ibunyag sa akin ang Anak niya,
upang maipangaral ko siya sa gitna ng mga pagano; ay hindi ako agad-agad sumangguni
sa laman at dugo:
17 Ni umahon man ako sa Jerusalem patungo
sa kanila na mga apostol na bago pa ako; kundi pumaroon ako sa Arabya, at
bumalik muli sa Damaskus.
18 Pagkatapos ng tatlong taon saka
ako umahon sa Jerusalem para makita si Pedro, at manatiling kasama niya nang
labinlimang araw.
19 Ngunit wala akong nakitang ibang
apostol, maliban kay Jakobo na kapatid ng Panginoon.
20 Ngayon ang mga bagay na
isinusulat ko sa inyo, masdan, sa harapan ng Diyos, ay hindi ako
nagsisinungaling.
21 Pagkatapos ay dumating ako sa mga
rehiyon ng Sirya at Silisya;
22 At di-kilala
sa mukha sa mga simbahan ng Judea na nakay Kristo:
23 Kundi narinig
lang nila, Na siya na umusig sa atin sa mga panahong nakalipas ay nangangaral
na ngayon ng pananampalatang minsan niyang pinuksa.
24 At niluwalhati nila ang Diyos sa
akin.
PAGKATAPOS ng labing-apat na taon
saka ako umahong muli sa Jerusalem kasama ni Barnabas, at dinala si Titus na
kasama ko rin.
2 At umahon ako sa pamamagitan ng pagbubunyag,
at ibinahagi sa kanila ang mabuting-balitang ipinangangaral ko sa gitna ng mga
Hentil, ngunit sa lihim sa kanilang may dangal, baka sa anumang paraan ay
tumakbo ako, o nakatakbo, nang walang-kabuluhan.
3 Ngunit maging si Titus man, na kasama ko, na isang Griyego, ay hindi
napilit na magpatuli:
4 At dahil iyon sa mga huwad na
kapatid na di-namamalayang nakapasok, na pumasok nang palihim para tiktikan ang
kamaharlikaan naming taglay namin kay Kristo Jesus, upang madala nila kami sa
pagkaalipin:
5 Sa kanila ay nagbigay kami ng dako
sa pamamagitan ng pagpapailalim, hindi, kahit sa isang oras pa; upang ang
katotohanan ng mabuting-balita ay magpatuloy na kasama kayo.
6 Ngunit sa mga ito na wari ay kung
sino, (anuman sila, ay wala itong halaga sa akin: ang Diyos ay hindi
tumatanggap ng persona ng sinumang tao:) pagkat sila na wari ay kung sino sa
pagsangguni ay walang idinagdag sa akin:
7 Kundi sa salungat na paraan, nang
nakita nila na ang mabuting-balita ng di-pagtutuli ay ipinagkatiwala sa akin,
gaya ng ang mabuting-balita ng pagtutuli ay kay Pedro;
8 (Pagkat siya na gumawang mabisa
kay Pedro sa pagkaapostol ng pagtutuli, ay siya rin ang makapangyarihan sa akin
tungo sa mga Hentil:)
9 At nang sina Jakobo, Sefas, at Johan,
na waring mga haligi, ay nakahiwatig sa
biyayang ibinigay sa akin, ay ibinigay nila sa akin at kay Barnabas ang
mga kanang kamay ng pakikisama; upang pumaroon kami patungo sa mga pagano, at
sila ay patungo sa pagtutuli.
10 Lamang ay nais nilang alalahanin
namin ang mga dukha; na iyon din naman ang masipag ko ring ginawa.
11 Ngunit nang dumating si Pedro sa
Antiyokya, ay sinalansang ko siya nang mukhaan, dahil nararapat siyang sisihin.
12 Pagkat bago iyon na may ilang
dumating mula kay Jakobo, ay kumain siyang kasalo ng mga Hentil: ngunit nang
dumating sila, ay umurong siya at inihiwalay ang sarili niya, na natatakot sa
kanilang mula sa pagtutuli.
13 At ang ibang mga Judeo ay
nagpanggap din namang kasama niya sa katulad na paraan; anupa’t pati si
Barnabas ay natangay ng pagpapanggap nila.
14 Ngunit nang makita kong hindi
sila lumakad nang matuwid ayon sa katotohanan ng mabuting-balita, ay sinabi ko
kay Pedro sa harapan nilang lahat, Kung ikaw, na isang Judeo, ay nabubuhay
alinsunod sa pamamaraan ng mga Hentil, at hindi gaya ng ginagawa ng mga Judeo,
bakit mo ba pinipilit ang mga Hentil na mabuhay na gaya ng ginagawa ng mga Judeo?
15 Tayong mga Judeo sa kalikasan, at
hindi mga makasalanang mula sa mga Hentil,
16 Na nakakaalam na ang isang tao ay
hindi inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa ng batas, kundi sa pamamagitan
ng pananampalataya ni Jesus Kristo, maging tayo ay nanalig kay Jesus Kristo,
upang tayo ay ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya ni Kristo, at
hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng batas: pagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng
batas ay walang lamang aariing-ganap.
17 Ngunit kung, habang hinahanap
nating maaring-ganap ni Kristo, tayo mismo ay natatagpuan din namang mga
makasalanan, si Kristo ba kung gayon ay ministro ng kasalanan? Ipagbawal nawa
ng Diyos.
18 Pagkat kung itayo kong muli ang
mga bagay na pinuksa ko, ginagawa ko ang sarili ko na isang tagalabag.
19 Pagkat ako
sa pamamagitan ng batas ay patay na patungo sa batas, upang ako ay mabuhay patungo
sa Diyos.
20 Nakapako ako
sa kurus na kasama ni Kristo: gayon pa man ay nabubuhay ako; gayunman ay hindi
ako, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ngayon ay
ipinamumuhay ko sa laman ay ipinamumuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya
ng Anak ng Diyos, na siyang nagmahal sa akin, at nagbigay ng kanyang sarili dahil
sa akin.
21 Hindi ko
winawalang-halaga ang biyaya ng Diyos: pagkat kung ang katuwiran ay dumarating
sa pamamagitan ng batas, si Kristo nga ay namatay na walang-kabuluhan.
O hangal na mga
taga-Galatia, sino ba ang gumayuma sa inyo, upang hindi ninyo talimahin ang
katotohanan, na sa harapan ng mga mata ninyo si Jesus Kristo ay malinaw na
inihayag, na ipinako sa kurus sa gitna ninyo?
2 Ito lamang
ang nais kong matutunan tungkol sa inyo, Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa
pamamagitan ng mga gawa ng batas, o sa pamamagitan ng pakikinig ng
pananampalataya?
3 Napakahangal na
ba ninyo? nagsimula na sa Espiritu, kayo ba ngayon ay pinapasakdal sa
pamamagitan ng laman?
4 Nagtiis ba
kayo ng napakaraming bagay sa walang-kabuluhan? kung ito nga ay wala pang
kabuluhan.
5 Siya kung
gayon na ipinagmiministeryo sa inyo ang Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa
gitna ninyo, ginagawa ba niya ito sa pamamagitan ng mga gawa ng batas, o sa
pamamagitan ng pakikinig ng pananampalataya?
6 Maging gaya
ni Abraham na nanalig sa Diyos, at ibinilang ito sa kanya na katuwiran.
7 Alamin ninyo
kung gayon na silang nasa pananampalataya, ang mga iyon din ang mga anak ni
Abraham.
8 At ang
kasulatan, na nakakakita na nang una pa na aariing-ganap ng Diyos ang mga
pagano sa pamamagitan ng pananampalataya, ay nangaral na nang una pa ng
mabuting-balita kay Abraham, na nagsasabing, Sa iyo ang lahat ng bansa ay
pagpapalain.
9 Sa gayon nga
silang nasa pananampalataya ay pinagpapalang kasama ng matapat na si Abraham.
10 Pagkat ang
maraming nasa mga gawa ng batas ay nasa ilalim ng sumpa: pagkat nasusulat ito,
Sinusumpa ang bawa’t isang hindi nagpapatuloy sa lahat ng bagay na nasusulat sa
aklat ng batas para gawin ang mga ito.
11 Ngunit
walang taong inaaring-ganap sa pamamagitan ng batas sa paningin ng Diyos, ito
ay malinaw: pagkat, Ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
12 At ang batas
ay hindi sa pananampalataya: kundi, Ang taong gumagawa ng mga ito ay mabubuhay
sa mga ito.
13 Tinubos na
tayo ni Kristo mula sa sumpa ng batas, na ginawang isang sumpa sa ganang atin: pagkat
nasusulat ito, Sinusumpa ang bawa’t isang ibinibitin sa ibabaw ng isang
punong-kahoy:
14 Upang ang
pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil sa pamamagitan ni Jesus Kristo;
upang matanggap natin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng
pananampalataya.
15 Mga kapatid,
nagsasalita ako alinsunod sa pamamaraan ng mga tao; Kahit na isang kasunduan lamang
ito ng tao, gayunman kung ito ay napagtibay,
ay walang taong nakakapagpawalang-bisa, o nagdaragdag doon.
16 Ngayon patungo kay Abraham at sa
binhi niya ay ginawa ang mga pangako. Hindi niya sinasabing, At patungo sa mga
binhi, na gaya ng sa marami; kundi gaya ng sa iisa, At patungo sa binhi mo, na ito
ay si Kristo.
17 At ito ay sinasabi ko, na ang kasunduan,
na pinagtibay noong una pa ng Diyos kay Kristo, ay hindi maaaring mapawalang-bisa
ng batas, na apat na raan at tatlumpung taon pa pagkatapos, upang gawin nito
ang pangako na walang bisa.
18 Pagkat kung ang pamana ay sa pamamagitan
ng batas, ay hindi na ito sa pamamagitan ng pangako: ngunit ibinigay ito ng
Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.
19 Bakit nga ba may batas pa? Idinagdag
ito dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi kung kanino ginawa
ang pangako; at ito ay ipinag-utos sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng
isang tagapamagitan.
20 Ngayon ang isang tagapamagitan ay
hindi isang tagapamagitan ng iisa, ngunit ang Diyos ay iisa.
21 Ang batas
nga ba ay laban sa mga pangako ng Diyos? Ipagbawal nawa ng Diyos: pagkat kung
nagkaroon sana ng isang batas na ibinigay na makakapagbigay ng buhay, sa katotohanan
ang katuwiran ay magiging sa pamamagitan ng batas.
22 Ngunit ikinulong
na ng kasulatan ang lahat sa ilalim ng kasalanan, upang ang pangako sa
pamamagitan ng pananampalataya ni Jesus Kristo ay maibigay sa kanilang nananalig.
23 Ngunit bago
dumating ang pananampalataya, ay iningatan tayo sa ilalim ng batas, na kinulong
hanggang sa pananampalatayang mabubunyag pagkatapos.
24 Kaya nga ang
batas ang naging tagasupil natin para dalhin tayong patungo kay Kristo, upang maaring-ganap
tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.
25 Ngunit
pagkatapos na dumating ng pananampalataya, ay wala na tayo sa ilalim ng isang tagasupil.
26 Pagkat
kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.
27 Pagkat ang
marami sa inyong bininyagan na patungo kay Kristo ay isinuot na si Kristo.
28 Walang Judeo
ni Griyego, walang alipin ni malaya, walang lalaki ni babae: pagkat kayong
lahat ay iisa kay Kristo Jesus.
29 At kung kayo
ay kay Kristo, ay binhi nga kayo ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa
pangako.
No comments:
Post a Comment