SI PAULO, na isang apostol
ni Jesus Kristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal na nasa
Efesus, at sa matatapat kay Kristo Jesus:
2 Ang biyaya nawa ay sumainyo, at ang kapayapaan
mula sa Diyos na Ama natin at sa Panginoong Jesus Kristo.
3 Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating
Panginoong Jesus Kristo, na nagpala na sa atin ng lahat ng pagpapalang
espirituwal sa mga dakong makalangit kay Kristo:
4 Kagaya ng pagkakapili niya sa atin sa kanya
bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan, upang tayo ay maging banal at walang
kapintasan sa harapan niya sa pagmamahal:
5 Sa pagkakatadhana nang una pa sa atin patungo sa
pagkukupkop ng mga anak sa pamamagitan ni Jesus Kristo patungo sa kanyang
sarili, ayon sa mabuting kaluguran ng kalooban niya,
6 Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng biyaya niya,
na kung saan ay ginawa na niya tayong katanggap-tanggap sa minamahal.
7 Na sa kanya ay may katubusan tayo sa
pamamagitan ng kanyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan, ayon sa mga
kayamanan ng kanyang biyaya;
8 Na kung saan ay pinasagana
na niya tungo sa atin sa buong karunungan at katalinuhan;
9 Na ipinapaalam niya sa
atin ang hiwaga ng kalooban niya, ayon sa mabuti niyang kaluguran na nilayon
niya sa kanyang sarili:
10 Na sa pagkabandahali ng kalubusan
ng mga panahon ay matipon niya nang sama-sama sa iisa ang lahat ng bagay kay
Kristo, kapuwa ang mga nasa langit, at ang mga nasa ibabaw ng lupa; samakatuwid
ay sa kanya:
11 Na sa kanya rin naman ay
nagkamit na tayo ng isang pamana, na itinadhana na nang una pa ayon sa layunin
niyang gumagawa ng lahat ng bagay alinsunod sa payo ng sarili niyang kalooban:
12 Na tayo ay maging
kapurihan ng kaluwalhatian niya, na unang nagtiwala kay Kristo.
13 Na sa kanya ay nagtiwala
rin naman kayo, pagkatapos na marinig ninyo ang salita ng katotohanan, ang
mabuting-balita ng kaligtasan ninyo: na sa kanya rin naman pagkatapos na manalig kayo, ay tinatakan kayo ng banal na
Espiritu ng pangako,
14 Na ito ay ang
paunang-bayad ng pamana natin hanggang sa katubusan ng biniling pag-aari, sa
ikapupuri ng kaluwalhatian niya.
15 Kaya nga ako rin naman,
pagkatapos kong marinig ang tungkol sa pananampalataya ninyo sa Panginoong Jesus,
at ang pagmamahal patungo sa lahat ng banal,
16 Ay hindi tumitigil ng
pagbibigay pasalamat dahil sa inyo, na gumagawa ng pagbanggit sa inyo sa mga
panalangin ko,
17 Upang ang Diyos ng ating
Panginoong Jesus Kristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magbigay sa inyo ng
espiritu ng karunungan at kabunyagan sa pagkakilala sa kanya:
18 Ang mga mata ng
pagkaunawa ninyo na naliliwanagan; upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa ng
pagkakatawag niya, at kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng pamana niya
sa mga banal,
19 At kung ano ang lumalabis
na kadakilaan ng kapangyarihan niya tungo sa ating nananalig, ayon sa paggawa
ng malakas niyang kapangyarihan,
20 Na ito ay ginawa niya kay
Kristo, noong siya ay binuhay niya mula sa mga patay, at pinaupo siya sa sarili
niyang kanang kamay sa mga dakong makalangit,
21 Sa kaiba-ibabawan ng buong pamunuan, at
kapangyarihan, at kalakasan, at pamamanginoon, at bawa’t pangalang
ipinapangalan, hindi lamang sa sanlibutang ito, kundi doon rin naman sa
darating:
22 At inilagay na ang lahat ng bagay sa ilalim ng
mga paa niya, at ibinigay siya para maging ulo sa ibabaw ng lahat ng bagay sa
simbahan,
23 Na ito ay ang katawan niya, ang kalubusan
niyang pumupuno ng lahat sa lahat.
AT binuhay na niya kayo, na mga namatay sa mga
pagsalansang at mga kasalanan;
2 Na kung saan sa panahong lumipas ay lumakad
kayo ayon sa palakad ng sanlibutang ito, ayon sa pangulo ng kapangyarihan ng
hangin, ang espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng di-pagtalima:
3 Na sa gitna rin naman nila tayong lahat ay
nagkaroon ng pamumuhay sa mga panahong lumipas sa mga pita ng laman natin, na
ginaganap ang mga paghahangad ng laman at ng pag-iisip, at sa kalikasan ay naging
mga anak ng pagkapoot, maging gaya ng mga iba.
4 Ngunit ang Diyos, na siyang mayaman sa awa,
dahil sa dakila niyang pagmamahal na sa pamamagitan nito ay minahal niya tayo,
5 Maging noong tayo ay mga patay pa sa mga
kasalanan, ay sama-sama na tayong binuhay na kalakip ni Kristo, (inililigtas
kayo ng biyaya;)
6 At sama-sama na tayong ibinangon, at sama-sama na
tayong pinaupo sa mga dakong makalangit kay Kristo Jesus:
7 Upang sa mga kapanahunang darating ay maipakita
niya ang lumalabis na mga kayamanan ng biyaya niya sa kabaitan niya tungo sa
atin sa pamamagitan ni Kristo Jesus.
8 Pagkat inililigtas kayo ng biyaya sa pamamagitan
ng pananampalataya; at iyon ay hindi mula sa sarili ninyo: ito ang kaloob ng
Diyos:
9 Hindi mula sa mga gawa, upang hindi magmayabang
ang sinumang tao.
10 Pagkat tayo ay pagkagawa niya, na nilalang kay
Kristo Jesus patungo sa mabubuting gawa, na noong una pa ay itinalaga na ng
Diyos upang sa mga ito tayo lumakad.
11 Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo sa panahong
lumipas na mga Hentil sa laman, na kayong tinatawag na Di-pagtutuli ng
tinatawag na Pagtutuli sa laman na ginawa ng mga kamay;
12 Na nang panahong iyon kayo ay mga hiwalay kay
Kristo, na mga di-kabilang sa taumbayan ng Israel, at mga dayuhan mula sa mga kasunduan
ng pangako, na walang pag-asang tinataglay, at walang Diyos sa sanlibutan:
13 Ngunit ngayon kay Kristo Jesus kayo na minsang
nalayo ay inilalapit sa pamamagitan ng dugo ni Kristo.
14 Pagkat siya ang kapayapaan natin, na siyang gumawa
na sa dalawa na iisa, at iginiba na ang gitnang pader ng pagkakabahagi sa
pagitan natin;
15 Na winawakasan na sa laman niya ang
pag-aawayan, maging ang batas ng mga kautusan na napapaloob sa mga palatuntunan;
para gumawa sa kanyang sarili mula sa dalawa ng iisang bagong tao, sa gayon ay
gumagawa ng kapayapaan;
16 At nang maipagkasundo niya ang dalawa patungo sa Diyos sa iisang katawan sa
pamamagitan ng kurus, na pinapatay ang pag-aawayan sa pamamagitan nito:
17 At naparito at nangaral ng kapayapaan sa
inyong mga malayo, at sa kanilang mga malapit.
18 Pagkat sa pamamagitan niya ay kapuwa tayo may karapatang-pumasok sa iisang
Espiritu patungo sa Ama.
19 Ngayon kung gayon ay hindi na kayo mga dayuhan
at mga banyaga, kundi mga kasamang-kababayan ng mga banal, at sa sambahayan ng
Diyos;
20 At itinatayo sa ibabaw ng
kinasasaligan ng mga apostol at mga propeta, na si Jesus Kristo mismo ang
punong panulok na bato;
21 Na sa kanya ang buong gusaling nakalapat na
mabuti nang sama-sama ay lumalago upang maging isang banal na templo sa
Panginoon:
22 Na sa kanya kayo rin naman ay sama-samang
itinatayo bilang isang tirahan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
SA dahilang ito akong si Paulo, ang bilanggo ni Jesus
Kristo dahil sa inyong mga Hentil,
2 Kung narinig na ninyo ang tungkol sa pagkabandahali
ng biyaya ng Diyos na ito ay ibinibigay sa akin tungo sa inyo:
3 Kung paanong sa pamamagitan ng pagbubunyag ay
ipinaalam na niya sa akin ang hiwaga; (gaya ng isinulat ko nang una sa ilang
mga salita,
4 Sa pamamagitan niyon, kapag nagbabasa kayo, ay
maunawaan ninyo ang kaalaman ko sa hiwaga ni Kristo)
5 Na sa ibang mga kapanahunan ay hindi ipinaalam
sa mga lalaking-anak ng mga tao, na gaya ngayon ay ibinubunyag sa mga banal
niyang apostol at propeta ng Espiritu;
6 Na ang mga Hentil ay magiging mga
kasamang-tagapagmana, at sa gayon ring katawan, at mga kabahagi ng pangako niyang
nakay Kristo sa pamamagitan ng mabuting-balita:
7 Na dito ay ginawa akong ministro, ayon sa kaloob
ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng mabisang paggawa ng
kapangyarihan niya.
8 Sa akin, na siyang mababa pa kaysa sa
pinakamababa sa lahat ng banal, ay ibinibigay ang biyayang ito, upang
maipangaral ko sa gitna ng mga Hentil ang di-masaliksik na mga kayamanan ni
Kristo;
9 At nang maipakita sa lahat ng tao kung ano ang
pakikisama ng hiwaga, na ito buhat pa sa pasimula ng sanlibutan ay naitagong nasa
Diyos, na siyang lumalang ng lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesus Kristo:
10 Sa hangarin na ngayon patungo sa mga pamunuan
at mga kapangyarihan sa mga dakong makalangit ay maipaalam ng simbahan ang sari-saring
karunungan ng Diyos.
11 Ayon sa walang-hanggang layuning nilayon niya
kay Kristo Jesus na Panginoon natin:
12 Na sa kanya ay mayroon tayong katapangan at karapatang-pumasok
na may pagkakatiwala sa pamamagitan ng pananampalataya niya.
13 Kaya nga hinahangad kong huwag kayong manghina
sa mga kagipitan ko dahil sa inyo, na ito ay kaluwalhatian ninyo.
14 Sa dahilang ito ay iniluluhod ko ang mga tuhod
ko sa Ama ng ating Panginoong Jesus Kristo,
15 Na mula sa kanya ang buong mag-anak sa langit
at lupa ay pinapangalanan,
16 Upang ipagkaloob niya sa inyo, ayon sa mga
kayamanan ng kaluwalhatian niya, na mapalakas na may kalakasan ng Espiritu niya
sa panloob na tao;
17 Upang manahan si Kristo sa mga puso ninyo sa
pamamagitan ng pananampalataya; upang kayo, na nag-uugat at napapatatag sa
pagmamahal,
18 Ay makayang matarok kasama ng lahat ng banal
kung ano ang luwang, at haba, at lalim, at taas;
19 At malaman ang pagmamahal ni Kristo, na ito ay
lumalampas sa kaalaman, upang mapuno kayo ng buong kalubusan ng Diyos.
20 Ngayon sa kanya na kayang gumawa nang
lumalabis na masagana nang higit sa lahat ng hinihingi o iniisip natin, ayon sa
kapangyarihang gumagawa sa atin,
21 Ay sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa
simbahan sa pamamagitan ni Kristo Jesus sa bawa’t bahagi ng lahat ng
kapanahunan, na sanlibutang walang katapusan. Amen.
No comments:
Post a Comment