2 Tesalonika Kabanata 1, 2 at 3

ANG IKALAWANG SULAT NI PAULONG APOSTOL SA
MGA TAGA-TESALONIKA
 




KABANATA 1

SI PAULO, at si Silvanus, at si Timoteus, sa simbahan ng mga taga-Tesalonika sa Diyos na Ama natin at sa Panginoong Jesus Kristo:
2 Ang biyaya nawa ay sumainyo, at ang kapayapaan, mula sa Diyos na Ama natin at sa Panginoong Jesus Kristo.
3 Natatalian kami na magpasalamat sa Diyos palagi dahil sa inyo, mga kapatid, gaya ng nararapat, dahil sa ang pananampalataya ninyo ay lumalago nang labis, at ang pagsinta ng bawa’t isa sa inyong lahat tungo sa isa’t isa ay sumasagana;
4 Anupa’t kami mismo ay nagmamapuri sa inyo sa mga simbahan ng Diyos dahil sa inyong pagtitiyaga at pananampalataya sa lahat ng inyong pag-uusig at kagipitang tinitiis ninyo:
5 Na ito ay isang lantad na palatandaan ng matuwid na paghuhukom ng Diyos, upang maibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito kayo rin naman ay nagdurusa:
6 Na nakikitang isa itong matuwid na bagay sa Diyos na gantihan ng kagipitan silang nagpapahirap sa inyo;
7 At sa inyong mga pinapahirapan ay magpahingang kasama namin, kapag ang Panginoong Jesus ay mabubunyag na galing sa langit kasama ng mga makapangyarihan niyang anghel,
8 Sa naglalagablab na apoy ay maghihiganti sa kanila na hindi nakakakilala sa Diyos, at hindi tumatalima sa mabuting-balita ng ating Panginoong Jesus Kristo:
9 Na sila ay paparusahan ng pagkapuksang panghabang-panahon mula sa harapan ng Panginoon, at mula sa kaluwalhatian ng kapangyarihan niya;
10 Kapag darating siya upang maluwalhati sa mga banal niya, at upang mahangaan sa kanilang lahat na nananalig (dahil ang patotoo namin sa gitna ninyo ay pinanaligan) sa araw na iyon.
11 Kaya nga kami rin naman ay dumadalangin palagi patungkol sa inyo, na ibilang kayo ng Diyos natin na karapat-dapat sa pagkakatawag na ito, at ganapin ang buong mabuting kaluguran ng kabutihan niya, at ang gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan:
12 Upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus Kristo ay maluwalhati sa inyo, at kayo ay sa kanya, ayon sa biyaya ng Diyos natin at Panginoong Jesus Kristo.

KABANATA 2
NGAYON ay namamanhik kami sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pagdating ng ating Panginoong Jesus Kristo, at sa pamamagitan ng sama-sama nating pagtitipon sa kanya,
2 Na huwag kayong madaling mayanig sa pag-iisip, o mabagabag, ni sa pamamagitan ng espiritu, ni ng salita, ni ng sulat na waring nanggaling sa amin, na gaya ng ang araw ni Kristo ay malapit na.
3 Huwag hayaan ang sinumang taong manlinlang sa inyo sa anumang paraan: pagkat ang araw na iyon ay hindi darating, malibang may dumating munang isang pagtalikod, at ang tao ng kasalanan ay mabunyag, ang anak ng pagkawasak;
4 Na sumasalungat at nagtataas ng kanyang sarili sa ibabaw ng lahat ng tinatawag na Diyos, o ng sinasamba; anupa’t siya na gaya ng Diyos ay nauupo sa templo ng Diyos, na ipinapakita ang sarili niya na siya ay Diyos.
5 Hindi ba ninyo naaalala, na, noong kasama pa ninyo ako, ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito?
6 At ngayon ay nalalaman ninyo kung ano ang pumipigil upang mabunyag siya sa kanyang panahon.
7 Pagkat ang hiwaga ng kawalang-katarungan ay gumagawa na noon pa: siya lamang na ngayon ay humahadlang ay hahadlang, hanggang sa alisin siya sa daan.
8 At kung magkagayon ang Balakyot na iyon ay mabubunyag, na siyang tutupukin ng Panginoon sa pamamagitan ng espiritu ng bibig niya, at pupuksain sa pamamagitan ng ningning ng pagdating niya:
9 Maging siya, na ang pagdating ay alinsunod sa paggawa ng Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at nagsisinungaling na mga kababalaghan,
10 At nang may buong pagkamalinlangin ng kalikuan sa kanilang nawawasak; dahil hindi nila tinanggap ang pagmamahal sa katotohanan, upang maligtas sila.
11 At sa dahilang ito ang Diyos ay magpapadala sa kanila ng malakas na pagkakalinlang, upang manalig sila sa isang kasinungalingan:
12 Upang masumpa silang lahat na hindi nanalig sa katotohanan, kundi nagkaroon ng kaluguran sa kalikuan.
13 Ngunit natatalian kami na magbigay pasalamat nang tuluy-tuloy sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dahil ang Diyos mula pa sa pasimula ay pumili na sa inyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pagpapabanal ng Espiritu at pananalig sa katotohanan:
14 Na doon ay tinawag niya kayo sa pamamagitan ng mabuting-balita namin, patungo sa pagkakamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesus Kristo.
15 Kung gayon, mga kapatid, tumayong matatag, at panghawakan ang mga kinaugaliang itinuro sa inyo, maging sa pamamagitan ng salita, o ng sulat namin.
16 Ngayon ang ating Panginoong Jesus Kristo mismo, at ang Diyos, samakatuwid ay ang Ama natin, na nagmahal sa atin, at nagbigay sa atin ng panghabang-panahong kagiliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya,
17 Ay umaliw nawa sa inyong mga puso, at magpatatag sa inyo sa bawa’t mabuting salita at gawa.
KABANATA 3
SA WAKAS, mga kapatid, manalangin patungkol sa amin, upang ang salita ng Panginoon ay magkaroon ng malayang daan, at maluwalhati, maging gaya ng ito ay sa inyo:
2 At nang masagip kami mula sa mga walang-katuwiran at mga balakyot na tao: pagkat lahat ng tao ay walang pananampalataya.
3 Ngunit ang Panginoon ay matapat, na siyang magpapatatag sa inyo, at mag-iingat sa  inyo mula sa kasamaan.
4 At kami ay may pagkakatiwala sa Panginoon patungkol sa inyo, na kapuwa ninyo ginagawa at gagawin ang mga bagay na iniuutos namin sa inyo.
5 At patnubayan nawa ng Panginoon ang mga puso ninyo patungo sa pag-ibig ng Diyos, at patungo sa matiyagang paghihintay kay Kristo.
6 Ngayon ay inuutusan namin kayo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesus Kristo, na ilayo ang inyong sarili mula sa bawa’t kapatid na lumalakad nang di-maayos, at hindi alinsunod sa kinaugaliang tinanggap niya mula sa amin.
7 Pagkat nalalaman ninyo mismo kung paano ninyo nararapat na sundan kami: pagkat hindi namin iniasal ang aming sarili nang di-maayos sa gitna ninyo;
8 Ni kumain man kami ng tinapay ng sinumang tao nang hindi binayaran; kundi gumawa na may pagpapagal at pagdaramdam gabi at araw, nang hindi kami maging pasanin sa sinuman sa inyo:
9 Hindi dahil sa wala kaming kapangyarihan, kundi upang gawin ang sarili namin na isang uliran sa inyo upang sundan kami.
10 Pagkat maging noong kami ay kasama ninyo, ay iniutos namin ito sa inyo, na kung hindi nais gumawa ng sinuman, ay hindi siya makakakain.
11 Pagkat naririnig namin na may ilang lumalakad sa gitna ninyo nang di-maayos, na hindi na nga gumagawa, kundi mga mapakialam.
12 Ngayon silang mga ganoon ay inuutusan namin at tinatagubilinan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesus Kristo, na gumawa silang may katahimikan, at kumain ng sarili nilang tinapay.    
13 Ngunit kayo, mga kapatid, ay huwag mapagod sa paggawa nang mabuti.
14 At kung hindi tumalima ang sinumang tao sa salita namin sa pamamagitan ng sulat na ito, ay tandaan ang taong iyon, at huwag magkaroon ng pakikipagsamahan sa kanya, nang mapahiya siya.
15 Gayunman ay huwag siyang ibilang gaya ng isang kaaway, kundi paalalahanan siyang gaya ng isang kapatid.  
16 Ngayon ang Panginoon ng kapayapaan mismo ay magbigay nawa sa inyo ng kapayapaan palagi sa lahat ng paraan. Ang Panginoon nawa ay makasama ninyong lahat.
17 Ang pagpupugay ni Paulo sa sarili kong kamay, na ito ay palatandaan sa bawa’t sulat:  gayon ako sumusulat.
18 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesus Kristo nawa ay makasama ninyong lahat. Amen.
Ang ikalawang sulat sa mga taga-Tesalonika ay isinulat ni Paulo mula sa Korinto noong A.D. 53





No comments:

Post a Comment