Kolosas Kabanata 3 at 4

KABANATA 3
KUNG binuhay nga kayong kasama ni Kristo, hanapin ang mga bagay na iyon na nasa itaas, kung saan ay nakaupo si Kristo sa kanang kamay ng Diyos.
2 Ituon ang pag-ibig ninyo sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa.
3 Pagkat patay na kayo, at ang buhay ninyo ay natatagong kasama ni Kristo sa Diyos.
4 Kapag si Kristo, na buhay natin, ay magpakita, ay magpapakita nga rin naman kayong kasama niya sa kaluwalhatian.
5 Patayin kung gayon ang mga sangkap ninyong nasa ibabaw ng lupa: pakikiapid, karumihan, walang-pagpipigil na pag-ibig, masamang pagnanasa, at kasakiman, na pagsamba sa diyus-diyosan:
6 Pagkat alang-alang sa mga bagay na iyon ay dumarating ang pagkapoot ng Diyos sa mga anak ng di-pagtalima:
7 Na sa mga iyon kayo rin naman ay lumakad nang ilang panahon, nang namuhay kayo sa kanila.
8 Ngunit ngayon ay hubarin din naman ninyo ang lahat ng ito; pagkagalit, pagkapoot, malisya, kalapastanganan, maruruming pakikipagtalastasan buhat sa bibig ninyo.
9 Huwag magsinungaling sa isa’t isa, na nakikitang hinubad na ninyo ang lumang tao kasama ng mga gawain niya;
10 At isinuot na ang bagong tao, na ito ay napapanibago sa kaalaman alinsunod sa larawan niyang lumalang dito:
11 Kung saan ay walang Griyego ni Judeo, pagtutuli ni di-pagtutuli, Barbaro, Eskito, alipin ni malaya: kundi si Kristo ay lahat, at nasa lahat.
12 Isuot kung gayon, gaya ng mga hinirang ng Diyos, mga banal at mga minamahal, ang mga kaloob-looban ng mga awa, kabaitan, kapakumbabaan ng pag-iisip, kaamuan, pagbabata;
13 Na nagtitiisan sa isa’t isa, at nagpapatawaran sa isa’t isa, kung ang sinumang tao ay may pakikipag-alitan laban sa kaninuman: kung paanong pinatawad kayo ni Kristo, ay gayon din naman ang gawin ninyo.
14 At higit sa lahat ng bagay na ito ay isuot ang pagsinta, na ito ay ang tali ng pagkasakdal.
15 At hayaan ang kapayapaan ng Diyos na mamuno sa mga puso ninyo, na patungo doon din naman ay tinatawag kayong nasa iisang katawan; at maging mapagpasalamat kayo.
16 Hayaang ang salita ni Kristo ay manahan sa inyo nang mayaman sa buong karunungan; na nagtuturuan at nagpapaalalahanan sa isa’t isa sa mga salmo at mga himno at mga awit na espirituwal, na umaawit na may biyaya sa mga puso ninyo patungo sa Panginoon.
17 At anuman ang ginagawa ninyo sa salita o gawain, ay gawing lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagbibigay pasalamat sa Diyos at Ama sa pamamagitan niya.
18 Mga asawa, ipasakop ang inyong sarili sa mga bana ninyo, gaya ng ito ay dapat sa Panginoon.
19 Mga bana, mahalin ang mga asawa ninyo, at huwag maging mapait laban sa kanila.
20 Mga anak, tumalima sa mga magulang ninyo sa lahat ng bagay: pagkat ito ay lubos na nakalulugod sa Panginoon.
21 Mga ama, huwag udyukan sa pagkagalit ang mga anak ninyo, baka panghinaan sila ng loob.
22 Mga lingkod, tumalima sa lahat ng bagay sa mga amo ninyong mga ayon sa laman; hindi sa paglilingkod-sa-paningin, gaya ng mga nagbibigay-lugod sa mga tao; kundi sa katapatan ng puso, na natatakot sa Diyos:
23 At anuman ang ginagawa ninyo, ay gawin ito nang taos-puso, gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;
24 Na nalalamang mula sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang gantimpala ng pamana: pagkat naglilingkod kayo sa Panginoong Kristo.
25 Ngunit siya na gumagawa ng mali ay tatanggap dahil sa maling ginawa na niya: at doon ay walang pagtatangi ng mga tao.

KABANATA 4
MGA AMO, ibigay sa mga lingkod ninyo kung ano ang makatarungan at patas; na nalalamang kayo rin naman ay may isang Among nasa langit.
2 Magpatuloy sa panalangin, at magbantay sa ganoon din na may pagpapasalamat;
3 Bukod dito ay manalangin din patungkol sa amin, upang pagbuksan kami ng Diyos ng isang pintuan ng pagbigkas, upang salitain ang hiwaga ni Kristo, na dahil doon ay nakatanikala rin naman ako:
4 Nang mailantad ko ito, gaya ng nararapat kong salitain.
5 Lumakad sa karunungan tungo sa kanilang nasa labas, na sinasamantala ang panahon.
6 Hayaang ang pananalita ninyo ay tuluy-tuloy na may biyaya, na tinimplahan ng asin, nang malaman ninyo kung paano kayong nararapat na sumagot sa bawa’t tao.
7 Ang buong lagay ko ay isasaysay sa inyo ni Tikikus, na siya ay isang minamahal na kapatid, at isang matapat na ministro at kasamang-lingkod sa Panginoon:
8 Na siya ang isinugo ko sa inyo sa gayon ding layunin, nang malaman niya ang kalagayan ninyo, at maaliw ang mga puso ninyo;
9 Kasama si Onesimus, isang matapat at minamahal na kapatid, na siya ay isa sa inyo. Ipapaalam nila sa inyo ang lahat ng bagay na ginagawa rito.
10 Si Aristarkus na kasamang-bilanggo ko ay nagpupugay sa inyo, at si Markus, na pinsan ni  Barnabas, (na patungkol sa kanya ay tumanggap kayo ng mga kautusan: kung pumariyan siya sa inyo, ay tanggapin siya;)
11 At si Jesus, na tinatawag na Justus, na sila ay mula sa pagtutuli. Ang mga ito lamang ang mga kasamang-manggagawa ko patungo sa kaharian ng Diyos, na siyang naging isang kaaliwan ukol sa akin.
12  Si Epafras, na siya ay isa sa inyo, na isang lingkod ni Kristo, ay nagpupugay sa inyo, na palaging nagpapagal nang mataimtim dahil sa inyo sa mga panalangin, nang makatayo kayong sakdal at lubos sa buong kalooban ng Diyos.
13 Pagkat  sinasaksihan ko siya, na mayroon siyang isang malaking sigasig dahil sa inyo, at sa kanilang nasa Laodisea, at sa kanilang nasa Hiyerapolis.
14 Si Luka, ang minamahal na manggagamot, at si Demas, ay bumabati sa inyo.
15 Pugayan ang mga kapatid na nasa Laodisea, at si Nimfas, at ang simbahang nasa bahay niya.
16 At kapag binasa ang sulat na ito sa gitna ninyo, ay sikapin ninyong maipabasa rin naman ito sa simbahan ng mga taga-Laodisea; at sa katulad na paraan ay basahin ninyo ang sulat mula sa Laodisea.
17 At sabihin kay Arkipus, Mag-ingat sa ministeryong tinanggap mo na sa Panginoon, na ganapin mo ito.
18 Ang pagpupugay sa pamamagitan ng kamay kong si Paulo. Alalahanin ang mga tanikala ko. Makasama nawa ninyo ang biyaya. Amen.
Isinulat ni Paulo mula sa kulungan sa Roma sa mga taga-Kolosas  2 noong  A.D. 69.
(Ang huling sulat na kumumpleto sa mga salita ng Diyos)

No comments:

Post a Comment