Roma Kabanata 13, 14, 15 at 16

KABANATA 13

HAYAANG ang bawa’t kaluluwa ay magpailalim sa matataas na kapangyarihan. Pagkat walang kapangyarihan kundi ang mula sa Diyos: ang mga kapangyarihang umiiral ay itinalaga ng Diyos.
2 Sinuman kung gayon ang lumalaban sa kapangyarihan, ay lumalaban sa palatuntunan ng Diyos: at silang lumalaban ay tatanggap sa kanilang sarili ng pagkasumpa.
3 Pagkat ang mga pinuno ay hindi isang kilabot sa mabubuting gawa, kundi sa masasama. Hindi ka nga ba matatakot sa kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakaroon ka ng papuri mula doon rin:
4 Pagkat siya ang ministro ng Diyos sa iyo patungkol sa ikabubuti. Ngunit kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; pagkat hindi niya dinadala ang tabak sa walang-kabuluhan: pagkat siya ang ministro ng Diyos, isang tagapaghiganti upang maggawad ng pagkapoot sa kanya na gumagawa ng masama.
5 Kaya nga dapat kayong magpailalim, hindi lamang dahil sa pagkapoot, kundi alang-alang sa budhi rin naman.
6 Pagkat sa dahilang ito ay nagbabayad rin naman kayo ng buwis: pagkat sila ay mga ministro ng Diyos, na nag-aasikaso nang patuloy sa mismong bagay na ito.
7 Ibigay kung gayon sa lahat ang karapatan nila: buwis sa kanya na dapat buwisan: pagtangkilik sa kanya na dapat tangkilikin; pagkatakot sa kanya na dapat katakutan; karangalan sa kanya na dapat parangalan.
8 Huwag magkautang sa kaninuman ng anumang bagay, kundi ang magmahalan sa isa’t isa: pagkat siya na nagmamahal sa iba ay nakaganap na sa batas.
9 Pagkat ito, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang makikisaksi sa kabulaanan, Huwag kang mag-iimbot; at kung may iba pang kautusan, ito ay maikling napapaloob sa kasabihang ito, samakatuwid ay, Mamahalin mo ang kapuwa mo gaya ng sarili mo.
10 Ang pagmamahal ay hindi gumagawa ng masama sa kapuwa niya: kung gayon ang pagmamahal ang pagganap sa batas.
11 At iyon, na nalalaman ang panahon, na ngayon ang pinakapanahon upang gumising buhat sa pagkakatulog: pagkat ngayon ang kaligtasan natin ay mas malapit na kaysa noong nanalig tayo.
12 Ang gabi ay malalim na, ang araw ay malapit na: kung gayon ay iwaksi natin ang mga gawa ng dilim, at isuot natin ang baluti ng liwanag.
13 Lumakad tayo nang tapat, gaya ng sa araw; huwag sa panggugulo at paglalasing, huwag sa kaluhuan at pagkawalang-taros, huwag sa sigalutan at pagkainggit.
14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesus Kristo, at huwag gumawa ng paglalaang nauukol sa laman, upang maganap ang mga pita nito.


KABANATA 14
TANGGAPIN ninyo siyang mahina sa pananampalataya, ngunit hindi patungo sa nag-aalinlangang mga pagtatalu-talo.
2 Pagkat ang isa ay nananalig na maaari niyang kainin ang lahat ng bagay: ang iba, na siyang mahina, ay kumakain ng mga gulay.
3 Huwag hayaang hamakin niya na kumakain siya na hindi kumakain; at huwag hayaang hukuman niya na hindi kumakain siya na kumakain: pagkat tinanggap na siya ng Diyos.
4 Sino ka ba na humuhukom sa lingkod ng ibang tao? sa kanyang sariling amo siya ay tumatayo o bumabagsak. Oo, siya ay maitataas: pagkat kaya ng Diyos na patayuin siya.
5 Ang isang tao ay nagpapahalaga sa isang araw nang higit sa iba: ang iba naman ay nagpapahalaga sa bawa’t araw nang magkagaya. Hayaang ang bawa’t tao ay lubusang maniwala sa sarili niyang pag-iisip.
6 Siya na nagtatangi sa araw, ay itinatangi ito patungo sa Panginoon; at siya na hindi nagtatangi sa araw, ay hindi ito itinatangi patungo sa Panginoon. Siya na kumakain, ay kumakain patungo sa Panginoon, pagkat nagbibigay pasalamat siya sa Diyos; at siya na hindi kumakain, patungo sa Panginoon ay hindi siya kumakain, at nagbibigay pasasalamat sa Diyos.
7 Pagkat wala sa atin ang nabubuhay patungo sa kanyang sarili, at walang taong namamatay patungo sa kanyang sarili.
8 Pagkat kung mabuhay man tayo, ay nabubuhay tayo patungo sa Panginoon; at  kung mamatay man tayo, ay namamatay tayo patungo sa Panginoon: kung mabuhay man tayo kung gayon, o mamatay, tayo ay sa Panginoon.
9 Pagkat patungo sa katapusang ito si Kristo ay kapuwa namatay, at bumangon, at muling nabuhay, upang maging Panginoon siya ng kapuwa mga patay at mga buhay.
10 Ngunit bakit mo ba hinuhukuman ang kapatid mo? o bakit mo ba winawalang halaga ang kapatid mo? pagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng upuan ng hukuman ni Kristo.
11 Pagkat nasusulat, Habang nabubuhay ako, sabi ng Panginoon, ang bawa’t tuhod ay luluhod sa akin, at ang bawa’t dila ay magpahayag sa Diyos.
12 Sa gayon nga ang bawa’t isa sa atin ay magbibigay sulit ng kanyang sarili sa Diyos.
13 Huwag na nating hukuman pa kung gayon ang isa’t isa: kundi hukuman ito bagkus, na walang sinumang maglagay ng isang katitisuran o isang kadahilanan ng ikakabagsak sa daan ng kapatid niya.
14 Nalalaman ko, at naniniwala ako sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, na walang anumang marumi sa sarili nito: ngunit sa kanya na nagpapahalaga sa anumang bagay na marumi, sa kanya ito ay marumi.
15 Ngunit kung ang kapatid mo ay mapighati ng pagkain mo, ngayon ay hindi ka lumalakad nang may pagmamahal. Huwag siyang puksain sa pamamagitan ng pagkain mo, na dahil sa kanya ay namatay si Kristo.
16 Huwag ngang hayaan na ang mabuti mo ay mapagsalitaan ng masama:
17 Pagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at ang inumin; kundi ang katuwiran, at ang kapayapaan, at ang kagalakan sa Banal na Diwa.
18 Pagkat siya na naglilingkod kay Kristo sa mga bagay na ito ay katanggap-tanggap sa Diyos, at subok ng mga tao.
19 Sundan natin kung gayon ang mga bagay na gumagawang ukol sa kapayapaan, at ang mga bagay na kasama nito ay mapagtibay ng isa ang iba.
20 Pagkat ang pagkain ay hindi pumupuksa sa gawa ng Diyos. Ang lahat ng bagay talaga ay dalisay; ngunit masama ito ukol sa taong iyon na kumakain nang may katitisuran.
21 Mabuti ito na huwag kumain ng laman, ni uminom ng alak, ni ng anumang bagay na sa pamamagitan nito ay napapatid ang kapatid mo, o natitisod, o napapahina.
22 Mayroon ka bang pananampalataya? magkaroon nito sa iyong sarili sa harapan ng Diyos. Maligaya siya na hindi humahatol sa kanyang sarili sa bagay na iyon na pinapahintulutan niya.
23 At siya na nag-aalinlangan ay nasusumpa kung kumain siya, dahil hindi siya kumakain mula sa pananampalataya: pagkat ang anumang hindi mula sa pananampalataya ay kasalanan.



KABANATA 15
TAYO nga na malalakas ay nararapat na magdala ng mga karamdaman ng mahihina, at hindi upang bigyang-lugod ang ating sarili.
2 Hayaang ang bawa’t isa sa atin ay magbigay-lugod sa kapuwa niya ukol sa kabutihan niya sa ikatitibay.
3 Pagkat maging si Kristo ay hindi nagbigay-lugod sa kanyang sarili; kundi, gaya ng nasusulat, Ang mga pagpula nila na pumula sa iyo ay bumagsak sa akin.
4 Pagkat anumang mga bagay ang isinulat noong unang-panahon ay isinulat patungkol sa ikatututo natin, upang tayo sa pamamagitan ng pagtitiyaga at kaaliwan ng mga kasulatan ay magkaroon ng pag-asa.
5 Ngayon ay ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiyaga at kagiliwan na maging magkakatulad kayo sa pag-iisip tungo sa isa’t isa ayon kay Kristo Jesus:
6 Upang kayo na may iisang pag-iisip at iisang bibig ay lumuwalhati sa Diyos, samakatuwid ay ang Ama ng ating Panginoong Jesus Kristo.
7 Kaya nga tanggapin ninyo ang isa’t isa, kung paanong tinanggap rin naman tayo ni Kristo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
8 Ngayon ay sinasabi ko na si Jesus Kristo ay naging isang ministro ng pagtutuli dahil sa katotohanan ng Diyos, upang pagtibayin ang mga pangakong ginawa sa mga ama: 
9 At upang maluwalhati ng mga Hentil ang Diyos dahil sa kanyang awa; gaya ng nasusulat, Sa dahilang ito ay magpapahayag  ako sa iyo sa gitna ng mga Hentil, at aawit sa pangalan mo.
10 At muli ay sinasabi niya, Magalak, kayong mga Hentil, kasama ng bayan niya.
11 At muli, Purihin ang Panginoon, lahat kayong mga Hentil; at papurihan siya, kayong buong bayan.
12 At muli, sinasabi ni Esayas, Magkakaroon ng isang ugat ni Jesse, at siya na tatayo upang maghari sa ibabaw ng mga Hentil; sa kanya ay magtitiwala ang mga Hentil.
13 Ngayon ay punuin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananalig, upang sumagana kayo sa pag-asa, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Diwa.
14 At ako rin mismo ay naniniwala tungkol sa inyo, mga kapatid, na kayo rin naman ay puno ng kabutihan, na pinuno ng buong kaalaman, na kaya rin namang magpaalalahanan sa isa’t isa.
15 Gayon pa man, mga kapatid, sumulat ako nang mas matapang sa inyo sa ilang bahagi, gaya ng pagpapaalala sa inyo, dahil sa biyayang ibinibigay sa akin ng Diyos,
16 Upang maging ministro ako ni Jesus Kristo sa mga Hentil, na ipinagmiministeryo ang mabuting-balita ng Diyos, upang ang paghahandog ng mga Hentil ay maging katanggap-tanggap, na pinapabanal ng Banal na Diwa.
17 Mayroon ako kung gayon ng ipagmamapuri sa pamamagitan ni Jesus Kristo sa mga bagay na iyon na patungkol sa Diyos.
18 Pagkat hindi ako mangangahas na magsalita ng anuman tungkol sa mga bagay na iyon na hindi nagawa ni Kristo sa pamamagitan ko, upang patalimahin ang mga Hentil, sa salita at gawain, 
19 Sa pamamagitan ng makapangyarihang mga tanda at mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos; anupa’t mula sa Jerusalem, at sa palibot hanggang sa Ilirikum, ay lubusan kong naipangaral ang mabuting-balita ni Kristo.
20 Oo, sa gayon ay nagpunyagi akong ipangaral ang mabuting-balita, hindi kung saan si Kristo ay nasambit na, baka makapagtayo ako sa ibabaw ng pinagsasaligan ng ibang tao:
21 Ngunit gaya ng nasusulat, Sa kanilang hindi siya pinag-uusapan, ay makakakita sila: at silang hindi nakarinig ay makakaunawa.
22 Sa dahilan nito rin naman ay labis akong nahadlangan sa pagpariyan sa inyo.
23 Ngunit ngayon na wala nang dako pa sa mga bahaging ito, at nagtataglay ng isang malaking paghahangad sa maraming taong ito na pumariyan sa inyo;
24 Kung kailan man ako ay  magpatuloy ng paglalakbay ko patungong Espanya, ay papariyan ako sa inyo: pagkat nagtitiwala akong makita kayo sa paglalakbay ko, at madala sa daan ko patungo roon sa pamamagitan ninyo, kung ako muna ay mapuno ng kaunti ng inyong pagsama.
25 Ngunit ngayon ay paparoon na ako sa Jerusalem upang magministeryo sa mga banal.
26 Pagkat nakalugod sa kanilang mula sa Masedonya at Akaya na gumawa ng isang tiyak na ambagan patungkol sa mga dukhang banal na nasa Jerusalem.
27 Nakalugod ito sa kanila sa katotohanan; at sila ang mga may-utang sa kanila. Pagkat kung ang mga Hentil ay ginawang mga kabahagi ng mga espirituwal nilang bagay, ang tungkulin din naman nila ay magministeryo sa kanila sa mga bagay na ayon-sa-laman.
28 Kapag naisagawa ko na ito kung gayon, at natatakan na patungo sa kanila ang bungang ito, ay daraan ako sa inyo patungong Espanya.
29 At nakatitiyak ako na, kapag pumariyan ako sa inyo, ay papariyan ako sa kalubusan ng pagpapala ng mabuting-balita ni Kristo.
30 Ngayon ay namamanhik ako sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa Panginoong Jesus Kristo, at dahil sa pagmamahal ng Espiritu, na sama-sama kayong magpunyagi kasama ko sa mga panalangin ninyo sa Diyos patungkol sa akin;
31 Upang masagip ako mula sa kanilang hindi nananalig na nasa Judea; at upang ang paglilingkod ko na taglay ko patungkol sa Jerusalem ay matanggap ng mga banal;
32 Upang makapariyan ako sa inyo nang may kagalakan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at kasama ninyong mapaginhawa.
33 Ngayon ang Diyos ng kapayapaan nawa ay makasama ninyong lahat. Amen.


KABANATA 16

INIHAHABILIN ko sa inyo si Febe na babaeng-kapatid natin, na ito ay isang lingkod ng simbahang nasa Sengkrea:
2 Na tanggapin ninyo siya sa Panginoon, na nababagay sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anumang kaabalahang  kinakailangan niya sa inyo: pagkat siya ay naging isang tagasaklolo sa marami, at ng sarili ko rin naman.
3 Batiin sina Prisila at Akila na mga tagatulong ko kay Kristo Jesus:
4 Na dahil sa buhay ko ay itinaya nila ang sarili nilang mga leeg: na sa kanila ay hindi lamang ako ang nagbibigay pasalamat, kundi maging ang lahat ng simbahan ng mga Hentil.
5 Sa katulad na paraan ay batiin ang simbahang nasa bahay nila. Pugayan ang pinakamamahal kong si Epenetus, na siya ang mga unang-bunga ng Akaya patungo kay Kristo.
6 Batiin si Maria, na nagkaloob ng labis na pagpapagal dahil sa amin.
7 Pugayan sina Andronikus at Junia, na mga kamag-anak ko, at mga kasamang-bilanggo ko, na mga kilala sa gitna ng mga apostol, na mga nakay Kristo na bago pa ako.
8 Pugayan si Amplias na minamahal ko sa Panginoon.
9 Pugayan si Urbano, na tagatulong namin kay Kristo, at si Estakis na minamahal ko.
10 Pugayan si Apeles na subok  kay Kristo. Pugayan silang nasa sambahayan ni Aristobulus.
11 Pugayan si Herodion na kamag-anak ko. Batiin silang nasa sambahayan ni Narsisus, na ang mga ito ay nasa Panginoon.
12 Pugayan si Trifena at si Trifosa, na nagpapagal sa Panginoon. Pugayan ang minamahal na si Persis, na nagpagal nang labis sa Panginoon.
13 Pugayan si Rufus na hinirang sa Panginoon, at ang ina niya at akin.
14 Pugayan sina Asingkritus, Flegon, Hermas, Patrobas, Hermes, at ang mga kapatid na kasama nila.
15 Pugayan si Filologus, at si Julia, si Nereus, at ang babaeng-kapatid niya, at si Olimpas, at ang lahat ng banal na kasama nila.
16 Pugayan ang bawa’t isa ng isang banal na halik. Ang mga simbahan ni Kristo ay nagpupugay sa inyo.
17 Ngayon ay namamanhik ako sa inyo, mga kapatid, tandaan silang nagdudulot ng pagkakahati-hati at mga katitisuran na salungat sa turo na natutuhan na ninyo; at iwasan sila.
18 Pagkat ang mga ganoon ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Jesus Kristo, kundi sa sarili nilang tiyan; at sa pamamagitan ng mabubuting salita at magagandang pananalita ay nililinlang ang mga puso ng mga payak.
19 Pagkat ang pagtalima ninyo ay naging bantog sa lahat ng tao. Natutuwa ako kung gayon sa inyong kapakanan: ngunit gayunman ay nais ko na maging marunong kayo patungo doon sa mabuti, at payak tungkol sa masama.
20 At dudurugin ng Diyos ng kapayapaan ang Satanas sa ilalim ng mga paa ninyo sa madaling panahon. Ang biyaya ng ating Panginoong Jesus Kristo nawa ay makasama ninyo. Amen.
21 Si Timoteus na kasama ko sa gawain, at si Lusius, at si Jason, at si Sosipater, na mga kamag-anak ko, ay nagpupugay sa inyo.
22 Akong si Tertius, na sumulat ng sulat na ito, ay nagpupugay sa inyo sa Panginoon.
23 Si Gayus na tinutuluyan ko, at ng buong simbahan, ay nagpupugay sa inyo. Si Erastus na tagapamahala ng lunsod ay nagpupugay sa inyo, at si Kuartus na isang kapatid.
24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesus Kristo nawa ay makasama ninyong lahat. Amen.
25 Ngayon sa kanya na may kapangyarihang magpatatag sa inyo ayon sa mabuting-balita ko, at sa pangangaral ni Jesus Kristo, ayon sa pagbubunyag ng hiwaga, na ito ay iningatang lihim simula pa nang nagsimula ang sanlibutan,
26 Ngunit ngayon ay inilantad, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa kautusan ng Diyos na panghabang-panahon, na ipinaalam sa lahat ng bansa patungkol sa pagtalima ng pananampalataya:
27 Sa kaisa-isang marunong na Diyos, ay ang kaluwalhatian sa pamamagitan ni Jesus Kristo magpakailan man. Amen.

Ang sulat sa mga taga-Roma ay isinulat ni Paulo, mula sa Korinto, noong A.D.[i] 58




[i] Latin:  Anno Domini – Taon ng Panginoon

No comments:

Post a Comment