2 Korinto Kabanata 9, 10, 11, 12 at 13

KABANATA 9

PAGKAT patungkol sa pagmiministeryo patungo sa mga banal, ay kalabisan ito sa ganang akin na isulat pa sa inyo:
2 Pagkat nalalaman ko ang kasipagan ng pag-iisip ninyo, na ipinagmamayabang ko sa kanilang mula sa Masedonya, na nakahanda na ang Akaya noong isang taon pa; at ang sigasig ninyo ay nakapag-udyok na sa lubhang marami. 
3 Gayunman ay isinugo ko ang mga kapatid, baka ang pagmamayabang namin tungkol sa inyo ay mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito; upang, gaya ng sinabi ko, ay maging handa kayo:
4 Baka sakaling kung dumating na kasama ko silang mula sa Masedonya, at natagpuan kayong di-nakahanda, kami (na hindi namin sinasabing, kayo) ay mapahiya sa gayon ring nagkakatiwalang pagmamayabang na ito.
5 Kung gayon ay inisip kong kinakailangan ito na tagubilinan ang mga kapatid, na mauna silang pumaroon sa inyo, at maihanda nang pauna ang abuloy ninyo, na ipinabatid ninyo noong una, upang ang mga iyon din ay maging handa, gaya ng isang bagay na mula sa abuloy, at hindi gaya ng mula sa kasakiman.
6 Ngunit ito ang sinasabi ko, Siya na naghahasik nang matipid ay mag-aani rin naman nang matipid; at siya na naghahasik nang masagana ay mag-aani rin naman nang masagana.
7 Ang bawa’t tao kagaya ng nilalayon niya sa puso niya, ay hayaang gayon siya magbigay; hindi mabigat sa loob, o mula sa pangangailangan: pagkat minamahal ng Diyos ang isang nagbibigay na masayahin.
8 At kaya ng Diyos na pasaganain ang buong biyaya tungo sa inyo; upang kayo, na palaging nagtataglay ng buong kasapatan sa lahat ng bagay, ay sumagana sa bawa’t mabuting gawa:
9 (Gaya ng nasusulat, Nagsabog siya; nagbigay siya sa mga dukha: ang katuwiran niya ay nananatili magpakailan man.
10 Ngayon siya na nagmiministeryo ng binhi sa manghahasik ay kapuwa magmiministeryo ng tinapay patungkol sa makakain ninyo, at magpaparami ng inihasik ninyong binhi, at magdaragdag ng mga bunga ng katuwiran ninyo;)
11 Samantalang pinapayaman sa bawa’t bagay patungo sa buong pagkamapagbigay, na nagdudulot sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Diyos.
12 Pagkat ang pamamahala ng paglilingkod na ito ay hindi lamang tumutustos sa kakapusan ng mga banal, kundi masagana rin naman sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Diyos;
13 Habang sa pamamagitan ng pagsubok sa pangangasiwang ito ay niluluwalhati nila ang Diyos dahil sa ipinahayag ninyong pagpapailalim sa mabuting-balita ni Kristo, at dahil sa mabuting-loob ninyong pamamahagi sa kanila, at sa lahat ng tao;
14 At sa pamamagitan ng panalangin nila patungkol sa inyo, na nananabik sa inyo dahil sa lumalabis na biyaya ng Diyos sa inyo.
15 Salamat sa Diyos dahil sa kaloob niyang di-maipahayag.  


 KABANATA 10

NGAYON akong si Paulo mismo ay namamanhik sa inyo sa pamamagitan ng kaamuan at kalumanayan ni Kristo, na sa harapan ay mababa ako sa gitna ninyo, ngunit samantalang wala-sa-harapan ay matapang tungo sa inyo:
2 Ngunit namamanhik ako sa inyo, nang hindi ako magpakatapang kapag nasa harapan na ako na may pagkakatiwalang iyon, na sa pamamagitan noon ay iniisip kong maging matapang laban sa ilan, na nag-iisip tungkol sa amin na waring lumakad kami ayon sa laman.
3 Pagkat kahit na lumalakad pa kami sa laman, ay hindi kami nakikipagdigmang  alinsunod sa laman:
4 (Pagkat ang mga sandata ng pakikipagdigma namin ay hindi ayon-sa-laman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos sa ikagigiba ng mga kuta;)
5 Na ibinabagsak ang mga guni-guni, at ang bawa’t mataas na bagay na itinataas ang sarili nito laban sa kaalaman ng Diyos, at dinadala sa pagkabihag ang bawa’t iniisip patungo sa pagtalima ni Kristo;
6 At tinataglay sa isang kahandaan upang maghiganti sa lahat ng di-pagtalima, kapag naganap na ang pagtalima ninyo.
7 Tumitingin ba kayo alinsunod sa panlabas na hitsura? Kung nagtitiwala ang sinumang tao sa kanyang sarili na siya ay kay Kristo, ay hayaan niyang pag-isipan itong muli sa kanyang sarili, na, kung paanong siya ay kay Kristo, maging gayon din naman kami ay kay Kristo.  
8 Pagkat kahit ipagmayabang ko nang kaunti ang kapamahalaan namin, na ang Panginoon ang nagbigay sa amin ukol sa pagpapatibay, at hindi ukol sa pagkapuksa ninyo, ay hindi ako mahihiya:
9 Upang hindi ako magmukhang waring sisindakin ko kayo sa pamamagitan ng mga sulat.
10 Pagkat ang mga sulat niya, sabi nila, ay mabibigat at makapangyarihan; ngunit ang dating na pangkatawan niya ay mahina, at ang pananalita niya ay napakahamak.
11 Hayaang isipin ng ganoon, na, kung ano kami sa salita sa pamamagitan ng mga sulat kapag wala kami sa harapan, ay ganoon din naman kami sa gawain kapag nasa harapan kami. 
12 Pagkat hindi kami nangangahas na ibilang ang aming sarili sa bilang, o ihambing ang aming sarili sa ilan na pinupuri ang kanilang sarili: ngunit sila na sinusukat ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at inihahambing ang kanilang sarili sa gitna ng kanilang sarili, ay hindi marurunong.
13 Ngunit hindi kami magmamayabang sa mga bagay na wala sa sukat namin, kundi ayon sa sukat ng patakaran na ipinamahagi ng Diyos sa amin, isang sukat na aabot maging hanggang sa inyo.
14 Pagkat hindi namin hinahatak ang aming sarili nang lampas sa sukat namin, na waring hindi na namin kayo inabot: pagkat nakarating kami nang kasinlayo rin naman ninyo sa pangangaral ng mabuting-balita ni Kristo:
15 Na hindi ipinagmamayabang ang mga bagay na wala sa sukat namin, iyon ay, ang mga pagpapagal ng ibang mga tao; kundi taglay ang pag-asa, na kapag lumago ang pananampalataya ninyo, na kami ay masaganang mapapalaki ninyo ayon sa patakaran namin,
16 Upang ipangaral ang mabuting-balita sa mga rehiyong lampas sa inyo, at huwag magmayabang sa hangganan ng mga bagay ng ibang tao na inihanda sa kamay namin.
17 Ngunit siyang nagmamapuri, ay hayaan siyang magmapuri sa Panginoon.
18 Pagkat hindi siyang pumupuri sa kanyang sarili ang subok na, kundi siyang pinupuri ng Panginoon.


 KABANATA 11

NAIS ko sa Diyos na mapagtiisan ninyo ako nang kaunti sa pagkahangal ko: at talagang pinagtitiisan ninyo ako.  
2 Pagkat naninibugho ako tungkol sa inyo nang may makadiyos na paninibugho: pagkat ipinag-aasawa ko kayo sa iisang bana, upang maiharap ko kayo gaya ng isang malinis na birhen kay Kristo.
3 Ngunit natatakot ako, baka sa anumang paraan,  kung paanong  dinaya ng ahas si Eva sa pamamagitan ng katusuhan niya, ay sa gayon mapasama ang mga pag-iisip ninyo mula sa kapayakang nakay Kristo. 
4 Pagkat kung siya na dumarating ay nangangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung tumanggap kayo ng ibang espiritu, na hindi ninyo tinanggap, o ng ibang mabuting-balita, na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo siya. 
5 Pagkat ipinapalagay kong hindi ako isang katiting na huli sa mga pinakapunong apostol.
6 Ngunit kahit na magaspang pa ako sa pananalita, gayunman ay hindi sa kaalaman; kundi kami ay lubusang nalantad sa gitna ninyo sa lahat ng bagay.
7 Nakagawa ba ako ng isang katitisuran sa pagpapakababa ko ng aking sarili upang maitaas kayo, dahil ipinangaral ko sa inyo ang mabuting-balita ng Diyos nang walang-bayad?
8 Ninakawan ko ang ibang mga simbahan, na kumukuha ng sahod mula sa kanila, upang gawan kayo ng paglilingkod.
9 At nang ako ay nasa harapang kasama ninyo, at kinapos, ay hindi ako naging pasanin sa kaninumang tao: pagkat kung anong nagkukulang sa akin ay tinustusan ng mga kapatid na dumating mula sa Masedonya: at sa lahat ng bagay ay iningatan ko ang sarili ko mula sa pagiging pabigat sa inyo, at sa gayon ay iingatan ko ang sarili ko.
10 Kung paanong ang katotohanan ni Kristo ay nasa akin, walang taong makakapagpatigil sa akin sa pagmamayabang na ito sa mga rehiyon ng Akaya.
11 Bakit nga ba? dahil ba hindi ko kayo minamahal?  ang Diyos ang nakakaalam.
12 Ngunit kung ano ang ginagawa ko, iyon ay gagawin ko, upang maputol ko ang kadahilanan mula sa kanila na naghahangad ng kadahilanan; upang kung saan sila nagmamapuri, ay matagpuan silang maging gaya namin.
13 Pagkat ang mga ganoon ay mga huwad na apostol, mga mapanlinlang na manggagawa, na binabagong-anyo ang kanilang sarili patungo sa pagiging mga apostol ni Kristo. 
14 At hindi kataka-taka; pagkat ang Satanas mismo ay nagbabagong-anyo patungo sa pagiging isang anghel ng liwanag.
15 Kung gayon ay hindi ito isang malaking bagay kung ang mga ministro din naman  niya ay nababagong-anyo gaya ng mga ministro ng katuwiran; na ang katapusan nila ay magiging ayon sa mga gawa nila. 
16 Sinasabi kong muli, Huwag hayaang isipin ninumang tao na isa akong hangal; kung sa ibang paraan, gayunman ay tanggapin akong gaya ng isang hangal, upang maipagmayabang ko ang sarili ko nang kaunti.
17 Ang sinasalita ko, ay sinasalita ko hindi alinsunod sa Panginoon, kundi gaya ng ito ay may kahangalan, sa pagkakatiwalang  ito ng pagmamayabang.
18 Nakikitang marami ang nagmamapuri alinsunod sa laman, ay magmamapuri din naman ako.
19 Pagkat pinagtitiisan ninyo ang mga hangal nang may-katuwaan, na nakikitang kayo sa sarili ninyo ay marurunong. 
20 Pagkat  nagtitiis kayo, kung dalhin kayo ng isang tao patungo sa pagkaalipin, kung lamunin kayo ng isang tao, kung may kunin mula sa inyo ang isang tao, kung itaas ng isang tao ang kanyang sarili, kung sampalin kayo sa mukha ng isang tao.
21 Nagsasalita ako tungkol sa kapulaan, na waring kami ay nanghina. Subali’t kung saan man may sinumang matapang, (nagsasalita ako nang may-kahangalan,) ako ay matapang din naman.
22 Mga Hebreo ba sila? ganundin ako. Mga Israelita ba sila? ganundin ako. Binhi ba sila ni Abraham? ganundin ako.
23 Mga ministro ba sila ni Kristo? (nagsasalita akong gaya ng isang hangal) lalo na ako; sa mga pagpapagal ay mas masagana, sa mga hagupit ay higit sa sukat, sa mga bilangguan ay mas malimit, sa mga kamatayan ay madalas.
24 Mula sa mga Judeo ay limang ulit akong tumanggap ng apatnapung hagupit bawasan ng isa.
25 Tatlong ulit na hinampas ako ng mga pamalo, minsan ay binato ako, tatlong ulit ay nagdanas ako ng pagkawasak ng barko, isang gabi at isang araw ay nasa kalaliman ako;
26 Sa mga paglalakbay ay malimit, sa mga panganib sa mga tubig, sa mga panganib sa mga tulisan, sa mga panganib sa pamamagitan ng sarili kong mga kababayan, sa mga panganib sa pamamagitan ng mga pagano, sa mga panganib sa lunsod, sa mga panganib sa ilang, sa mga panganib sa dagat, sa mga panganib sa gitna ng mga huwad na kapatid;
27 Sa mga pagkapagod at kasakitan, sa mga pagbabantay ay malimit, sa pagkagutom at pagkauhaw, sa mga pag-aayuno ay malimit, sa ginaw at kahubaran.
28 Bukod sa mga bagay na iyon na nasa labas, ay ang dumarating sa akin araw-araw, ang kabalisahan tungkol sa lahat ng simbahan. 
29 Sino ba ang mahina, at hindi ako mahina? sino ba ang natitisod, at hindi ako  nag-aalab?
30 Kung dapat akong magmapuri, ay magmamapuri ako tungkol sa mga bagay na may-kinalaman sa mga karamdaman ko.
31 Ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesus Kristo, na pinagpapala magpakailan man, ang nakakaalam na hindi ako nagsisinungaling.
32 Sa Damaskus ang tagapamahala na nasa ilalim ni Aretas na hari ay pinabantayan ang lunsod ng mga taga-Damaskus ng isang garison, na naghahangad na hulihin ako:
33 At sa pamamagitan ng isang bintana sa isang tiklis ay inihugos ako sa pader, at nakawala sa mga kamay niya.


 KABANATA 12
HINDI ito naaangkop sa ganang  akin na walang-alinlangang magmapuri. Darating ako sa mga pangitain at mga pagbubunyag ng Panginoon.
2 Nakilala ko ang isang lalaki kay Kristo mahigit na labing-apat na taon na ang nakalilipas, (kung nasa katawan, ay hindi ko masabi; o kung  nasa labas ng katawan, ay hindi ko masabi: ang Diyos ang nakakaalam;) ang isang ganoon na inagaw pataas sa ikatlong langit.
3 At nakilala ko ang isang taong ganoon, (kung nasa katawan, o nasa labas ng katawan, ay hindi ko masabi: ang Diyos ang nakakaalam;)
4 Kung paanong inagaw siya pataas patungo sa paraiso, at nakarinig ng mga salitang di-maipahayag, na ito ay  hindi makatuwiran upang bigkasin ng isang tao.
5 Tungkol sa isang ganoon ay magmamapuri ako: gayunman tungkol sa aking sarili ay hindi ako magmamapuri, kundi sa mga karamdaman ko.
6 Pagkat kahit nais ko ring magmapuri, ay hindi ako magiging isang hangal; pagkat sasabihin ko ang katotohanan: ngunit ngayon ay nagpipigil ako, upang hindi mag-isip tungkol sa akin ang sinumang tao nang higit doon sa nakikita niya sa akin, o sa naririnig niya tungkol sa akin. 
7 At upang hindi ako maitaas nang higit sa sukat sa pamamagitan ng kasaganaan ng mga kabunyagan, ay may ibinigay sa akin na isang tinik sa laman, ang sugo ng Satanas upang suntukin ako, upang hindi ako maitaas nang higit sa sukat.
8 Dahil sa bagay na ito ay namanhik ako sa Panginoon nang tatlong ulit, upang umalis ito sa akin.
9 At sinabi niya sa akin, Ang biyaya ko ay sapat ukol sa iyo: pagkat ang lakas ko ay pinapasakdal sa kahinaan. Pinaka nakakatuwa kung gayon ay magmamapuri ako bagkus sa mga karamdaman ko, upang ang kapangyarihan ni Kristo ay manahan sa ibabaw ko.
10 Kung gayon ay nalulugod ako sa mga karamdaman, sa mga kapulaan, sa mga pangangailangan, sa mga pag-uusig, sa mga kahapisan alang-alang kay Kristo: pagkat kapag mahina ako, ay malakas nga ako.
11 Ako ay nagiging isang hangal sa pagmamapuri; pinilit ninyo ako: pagkat nararapat akong mapuri ninyo: pagkat sa anumang-bagay ay hindi ako huli sa mga pinakapunong apostol, kahit  ako ay walang-anuman. 
12 Tunay na ang mga tanda ng isang apostol ay ginawa sa gitna ninyo sa buong pagtitiyaga, sa mga tanda, at mga kababalaghan, at makapangyarihang mga gawain.
13 Pagkat ano ba ito na kung saan ay ikinababa ninyo sa ibang mga simbahan, malibang ako mismo ay hindi naging pabigat sa inyo? patawarin ako sa kamaliang ito.
14 Masdan, ang ikatlong ulit na handa akong pumariyan sa inyo; at hindi ako magiging pabigat sa inyo: pagkat hindi ang sa inyo ang hinahanap ko, kundi kayo: pagkat hindi nararapat na ang mga anak ay mag-impok ukol sa mga magulang, kundi ang mga magulang ukol sa mga anak. 
15 At lubhang may-katuwaan na gugugol ako at pagugugol dahil sa inyo; kahit mas masaganang nagmamahal ako sa inyo, mas kaunti na ako ay mahalin.
16 Ngunit magkagayon man, ay hindi ako nagpabigat sa inyo: gayon pa man,  bilang tuso, ay hinuli ko kayo nang may daya.
17 Nagsamantala ba ako sa inyo sa pamamagitan ng sinuman sa kanilang sinugo ko sa inyo?
18 Hinangad ko si Titus, at kasama niya ay sinugo ko ang isang kapatid. Nagsamantala ba sa inyo si Titus? hindi ba kami lumakad sa iisang espiritu? hindi ba kami lumakad sa gayon ring mga hakbang?
19 Muli, iniisip ba ninyo na nagdadahilan kami sa aming sarili sa inyo? nagsasalita kami sa harapan ng Diyos kay Kristo: ngunit ginagawa namin ang lahat ng bagay, mga pinakamamahal, ukol sa ikatitibay ninyo.
20 Pagkat natatakot ako, baka, kapag dumating ako, ay hindi ko kayo matagpuang gaya ng nais ko, at matagpuan ako sa inyong gaya ng hindi ninyo nais: baka magkaroon ng mga debate, mga pagkakainggitan, mga pagkapoot, mga sigalutan, mga paninira ng talikuran, mga kahambugan, mga kaguluhan:
21 At baka, kapag dumating akong muli, ay ibaba ako ng aking Diyos sa gitna ninyo, at mananaghoy ako sa marami na nagkasala na, at hindi nakapagsisi sa karumihan at pakikiapid at kalibugan na ginawa nila. 

 KABANATA 13
ITO ang ikatlong ulit na darating ako sa inyo. Sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ang bawa’t salita ay matatatag.
2 Sinabi ko sa inyo noong una, at paunang sinasabi ko sa inyo, na gaya ng ako ay nasa harapan, sa ikalawang ulit; at samantalang wala-sa-harapan ngayon ay sumusulat ako sa kanila na noong una ay nagkasala, at sa lahat ng iba pa, na, kung dumating akong muli, ay hindi ko iiiwas:
3 Yamang naghahanap kayo ng isang katunayang si Kristo ay nagsasalitang nasa akin, na tungo sa inyo ay hindi mahina, kundi makapangyarihan sa inyo.    
4 Pagkat kahit na ipinako pa siya sa kurus sa pamamagitan ng kahinaan, gayunman ay nabubuhay siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Pagkat kami rin naman ay mahihina sa kanya, ngunit mabubuhay kaming kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos tungo sa inyo.
5 Suriin ang inyong sarili, kung kayo ay nasa pananampalataya; patunayan ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalaman sa inyong sarili, kung paanong si Jesus Kristo ay nasa inyo, malibang kayo ay mga itinakuwil?
6 Ngunit nagtitiwala akong malalaman ninyong hindi kami mga itinakuwil.
7 Ngayon ay idinadalangin ko sa Diyos na huwag kayong gumawa ng masama; hindi upang makita kami na subok, kundi upang gawin ninyo ang tapat, kahit na maging gaya pa kami ng mga itinakuwil.
8 Pagkat wala kaming magagawa laban sa katotohanan, kundi ukol sa katotohanan.
9 Pagkat natutuwa kami, kapag mahihina kami, at malalakas kayo: at ito rin naman ay minimithi namin, samakatuwid ay ang kasakdalan ninyo.
10 Kung gayon ay isinusulat ko ang mga bagay na ito samantalang wala-sa-harapan, baka samantalang nasa harapan ay makagamit ako ng kataliman, ayon sa kapangyarihan na ibinigay ng Panginoon sa akin sa ikatitibay, at hindi sa ikapupuksa.
11 Sa wakas, mga kapatid, paalam. Magpakasakdal, maaliw nang mabuti, magkaisa ng pag-iisip, mamuhay sa kapayapaan; at ang Diyos ng pagmamahal at kapayapaan ay sasama sa inyo.
12 Batiin ninyo ang isa’t isa nang may isang banal na halik.
13 Ang lahat ng banal ay nagpupugay sa inyo.
14 Ang biyaya ng Panginoong Jesus Kristo, at ang pagmamahal ng Diyos, at ang pakikiisa ng Banal na Diwa, nawa ay makasama ninyong lahat. Amen.

Ang ikalawang sulat sa mga taga-Korinto ay isinulat ni Paulo mula sa Masedonya, noong A.D. 57

No comments:

Post a Comment