2 Timoteo Kabanata 1 at 2

ANG IKALAWANG SULAT NI PAULONG APOSTOL KAY
TIMOTEO
 
KABANATA 1

SI PAULO, na isang apostol ni Jesus Kristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ayon sa pangako ng buhay na nakay Kristo Jesus,
2 Kay Timoteo, ang pinakamamahal kong anak: Biyaya, awa, at kapayapaan, mula sa Diyos Ama at kay Kristo Jesus na Panginoon natin.
3 Pinapasalamatan ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko mula pa sa mga ninuno ko nang may dalisay na budhi, na walang tigil akong may pag-alala sa iyo sa mga panalangin ko gabi at araw;
4 Na lubhang naghahangad na makita ka, na nagiging maalalahanin sa mga luha mo, upang mapuno ako ng kagalakan;
5 Kapag ginugunita ko sa pag-alala ang pananampalatayang di-pakunwari na nasa iyo, na ito ay unang nanahan sa lola mong si Lois, at sa nanay mong si Eunise; at ako ay naniniwalang nasa iyo rin naman.
6 Kaya nga ipinapaalala ko sa iyo na pukawin mo ang kaloob ng Diyos, na ito ay nasa iyo sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kamay ko.
7 Pagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot; kundi ng kapangyarihan, at ng pagmamahal, at ng isang wastong pag-iisip.
8 Huwag mong ikahiya kung gayon ang patotoo ng ating Panginoon, o ako man na bilanggo niya: kundi maging kabahagi ka ng mga paghihirap ng mabuting-balita ayon sa kapangyarihan ng Diyos;
9 Na siyang nagligtas sa atin, at tumawag sa atin ng isang banal na pagkakatawag, hindi ayon sa mga gawa natin, kundi ayon sa sarili niyang layunin at biyaya, na ibinigay sa atin kay Kristo Jesus, bago pa nagsimula ang sanlibutan;
10 Ngunit ngayon ay inilalantad sa pamamagitan ng pagpapakita ng Tagapagligtas nating si Jesus Kristo, na winakasan na ang kamatayan, at nagdala ng buhay at kawalang-kamatayan patungo sa liwanag sa pamamagitan ng mabuting-balita:
11 Na patungo roon ay itinakda akong isang mangangaral, at isang apostol, at isang guro ng mga Hentil.
12 Sa dahilang iyon ay nagtitiis din naman ako ng mga bagay na ito: gayon pa man ay hindi ako nahihiya; pagkat kilala ko ang pinanaligan ko, at naniniwala akong kaya niyang ingatan ang ipinagkatiwala ko sa kanya hanggang sa araw na iyon.
13 Panghawakang mabuti ang anyo ng mga wastong salita, na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pagmamahal na nakay Kristo Jesus.
14 Ang mabuting bagay na iyon na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan sa pamamagitan ng Banal na Diwang nananahan sa atin.
15 Ito ay nalalaman mo, na silang lahat na nasa Asya ay tumalikod sa akin; na sa kanila ay sina Figelus at Hermogenes.
16 Bigyan nawa ng Panginoon ng awa ang bahay ni Onesiforus; pagkat madalas niya akong pinapaginhawa, at hindi ikinahihiya ang tanikala ko.
17 Kundi, noong nasa Roma siya, ay hinanap niya ako nang buong sikap, at natagpuan ako.
18  Ipagkaloob nawa sa kanya ng Panginoon na makatagpo siya ng awa mula sa Panginoon sa araw na iyon: at kung gaano karaming bagay ang ipinagministeryo niya sa akin sa Efesus, ay alam na alam mo.

KABANATA 2
IKAW kung gayon, anak ko, ay magpakalakas sa biyaya na nakay Kristo Jesus.
2 At ang mga bagay na narinig mo na sa akin sa gitna ng maraming saksi, ay siya mo rin namang ipagkatiwala sa matatapat na tao, silang makakaya rin namang magturo sa mga iba.
3 Ikaw kung gayon ay magtiis ng kahirapan, gaya ng isang mabuting kawal ni Jesus Kristo.
4 Walang taong nakikipagdigma ang isinasangkot ang kanyang sarili sa mga bagay ng sanlibutang ito; upang mabigyang-lugod niya siya na pumili sa kanya na maging isang kawal.
5 At kung ang isang tao rin naman ay makipaglaban sa mga laro, gayunman ay hindi siya puputungan, malibang makipaglaban siya ayon-sa-alituntunin.
6 Ang magsasaka na nagpapagal ay dapat maging unang kabahagi ng mga bunga.
7 Isaalang-alang ang sinasabi ko; at bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng bagay.
8 Alalahaning si Jesus Kristo na mula sa binhi ni David ay binuhay mula sa mga patay ayon sa mabuting-balita ko:
9 Kung saan ay nagtitiis ako ng hirap, gaya ng isang manggagawa ng kasamaan, maging hanggang sa mga tanikala; ngunit ang salita ng Diyos ay hindi natatanikalaan:
10 Kung gayon ay nagtitiis ako ng lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang, upang makamtan din naman nila ang kaligtasan na ito ay nakay Kristo Jesus na may kaluwalhatiang walang-hanggan.
11 Ito ay isang matapat na kasabihan: Pagkat kung namatay tayong kasama niya, ay mabubuhay rin naman tayong kasama niya:
12 Kung magtiis man tayo, ay maghahari din naman tayong kasama niya: kung itanggi natin siya, ay itatanggi rin naman niya tayo:
13 Kung hindi tayo nananalig, gayunman ay mananatili siyang matapat: hindi niya maaaring tanggihan ang kanyang sarili.
14 Tungkol sa mga bagay na ito ay ipaalala sa kanila, na inaatasan sila sa harapan ng Panginoon na huwag silang makipagtalo tungkol sa mga salitang walang pakinabang, kundi sa ikapapahamak ng mga tagapakinig.
15 Mag-aral upang maipakita ang sarili mo na subok sa Diyos, isang manggagawang hindi kinakailangang mapahiya, na naghahati nang tama sa salita ng katotohanan.
16 Ngunit ilagan ang lapastangan at walang-kabuluhang mga usapan: pagkat ang mga ito ay lalago patungo sa higit pang di-pagkamakadiyos.
17 At ang salita nila ay kakalat gaya ng ginagawa ng isang ganggrena; na sa kanila ay sina Himeneus at Filetus;
18 Na sila tungkol sa katotohanan ay naligaw, na nagsasabing ang pagkabuhay na muli ay nakalipas na noon pa; at ibinabagsak ang pananampalataya ng ilan.
19 Gayon pa man ang pinagsasaligan ng Diyos ay nakatayong tiyak, na may ganitong tatak, Kilala ng Panginoon silang sa kanya. At, Hayaan ang bawa’t isang sumasambitla sa pangalan ni Kristo ay umalis mula sa kawalang-katarungan.
20 Ngunit sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga sisidlan ng ginto at ng pilak, kundi ng kahoy at ng lupa rin naman; at ang ilan ay sa ikararangal, at ang ilan ay sa di-ikararangal.
21 Kung ang isang tao kung gayon ay maglinis ng kanyang sarili mula sa mga ito, siya ay magiging isang sisidlang ikararangal, pinabanal, at nararapat ukol sa paggamit ng may-ari, at nakahanda sa bawa’t mabuting gawa.
22 Takasan din naman ang mga pitang pangkabataan: ngunit sumunod sa katuwiran, pananampalataya, pagsinta, kapayapaan, na kasama nilang tumatawag sa Panginoon buhat sa isang pusong dalisay.
23 Ngunit ang hangal at di pinag-aralang mga katanungan ay iwasan mo, na nalalamang  nagbubunga sila ng mga sigalutan.
24 At ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipagtalo; kundi maging malumanay sa lahat ng tao, tumpak magturo, matiyaga,
25 Sa kaamuan ay inaaralan silang sumasalungat sa kanilang sarili; kung sakali ay bibigyan sila ng Diyos ng pagsisisi patungo sa pagkakilala ng katotohanan;

26 At nang mabawi nila ang kanilang sarili buhat sa bitag ng diyablo, na sila ay binihag niya sa kalooban niya. 

No comments:

Post a Comment